Mag-asawang traydor sa Camarines Norte, kinundena ng BHB

,

Mahigpit na kinundena ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Camarines Norte ang pagsuko, sukdulang pagkakanulo at pagtataksil sa masa nina Marlon Asis (alyas Pots) at Julie Grace Lola (alyas Haraly). Ang dalawa ay iniharap ng 42nd IB sa publiko bilang mga “surenderi” noong Pebrero 4 sa hedkwarters ng batalyon sa Labo, Camarines Norte.

Sa pahayag ng 42nd IB, sinabi nitong nagsuko ang mag-asawa ng .30 kalibre at 60 kalibreng masinggan, mga bala, pampasabog, at iba pang kagamitang pandigma. “Nagtraydor sila sa masang magsasaka at uring anakpawis sa lalawigan kapalit ng makasarili nilang interes,” pahayag ng BHB-Camarines Norte. Liban sa pagsuko ng armas, nangalap at nagpasa ang mag-asawa ng impormasyon na nagresulta sa magkakasunod na labanan na ikinapinsala ng BHB at mga sibilyan. Nagtangay din ang dalawa ng pondo ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Nagbabala ang BHB-Camarines Norte sa mamamayan ng prubinsya at rehiyon na magbantay laban sa paghahasik ng itim na propaganda at kasinungalingan ng mag-asawa. Inideklara ang dalawa na “persona non grata” sa mga larangang gerilya at saklaw ng rebolusyonaryong kilusan sa Camarines Norte.

Kampanya kontra traydor. Inilunsad ng rebolusyonaryong kilusan sa Southern Tagalog ang isang kampanya ng paglalantad at pagbatikos sa mga kontra-rebolusyonaryong taksil nitong Pebrero. Naglabas ang BHB at National Democratic Front sa rehiyon ng mga poster na may larawan ng mga traydor na pinaka-notoryus sa pagpapagamit sa Armed Forces of the Philippines at rehimeng US-Marcos. Anila, dapat kundenahin ang mga ito sa pagsisilbing instrumento sa Red-tagging at pananakot sa mamamayan. Nanawagan silang malawakang ipalaganap sa buong rehiyon ang mga poster.

Mag-asawang traydor sa Camarines Norte, kinundena ng BHB