2 dekadang pagpapahirap ng 12% VAT sa masang Pilipino

,

Dalawang dekada nang pinapasan ng masang Pilipino ang 12% value-added tax (VAT) mula nang sinimulan itong ipataw ng reaksyunaryong gubyerno noong Pebrero 2006. Mula 10%, itinaas sa 12% ang VAT at pinasaklaw sa halos 90% ng mga produkto at serbisyo. Ito ang pinakamataas na tantos ng VAT sa buong Southeast Asia.

Ang VAT ay kinakaltas ng gubyerno tuwing bumibili ang karaniwang Pilipino ng produktong pagkain (naprosesong karne, delatang isda, mantika, gatas, kape, asukal, nudels, atbp.), mga damit at sapatos, gamot, kasangkapan sa bahay, at gamit pang-konstruksyon at sa mga serbisyo tulad ng kuryente, tubig, at telekomunikasyon sa bansa. Kinukulekta ito ng Bureau of Internal Revenue (BIR). Nagpapataw rin ng VAT sa mga produktong ini-import na kinukolekta naman ng Bureau of Customs (BOC).

Kasaysayan ng VAT

Unang itinulak ng International Monetary Fund (IMF) noong 1984 ang pagpapatupad ng mga reporma sa pagbubuwis sa Pilipinas. Apat na taon makalipas, ipinataw ng rehimeng US-Aquino I ang 10% VAT sa bisa ng Executive Order No. 273. Sinaklaw ng pagbubuwis ang maraming produkto sa bansa maliban sa mga produktong pang-eksport.

Pinalawak sa unang pagkakataon ang saklaw ng VAT noong Mayo 1994 nang ipinasa ng kongreso ng rehimeng US-Ramos ang Republic Act (RA) No. 7716 o Expanded VAT (EVAT). Ang EVAT ay isa sa mga kundisyong inilatag ng IMF para pautangin ang gubyerno ng $650-milyon noong Hunyo 1994. Sinaklaw nito ang dagdag na mga produkto at serbisyo para patawan ng VAT kabilang ang mga pestidisyo at serbisyo sa telekomunikasyon at pagbyahe sa eroplano at barko. Dahil sa pagkwestyon sa ligalidad ng batas, naantala ng dalawang taon ang pagpapatupad nito.

Noong Pebrero 2006, upisyal na itinaas ng rehimeng US-Arroyo ang 10% VAT tungong 12% VAT alinsunod sa pagsasabatas ng kongreso sa RA 9337 o Reformed VAT noong Mayo 2005. Sa sumunod na mga amyenda sa VAT, nanatili ito sa napakataas na 12% at pinasaklaw ito sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law (2018) at Digital VAT (2024).

VAT, saan napupunta?

Sa datos ng BIR, ang VAT ay ikalawa sa pinakamalaking nakukulektang buwis ng ahensya (25% ng kabuuang nakukulektang buwis) kada taon. Noong 1988, nang ipinatupad ang 10% VAT ay nakulekta ng BIR ang ₱7.15 bilyon. Nang pinasaklaw ito noong 1996, lumaki ang nakulektang VAT tungong ₱40.93 bilyon mula ₱29.57 bilyon noong 1995. Nang itinaas tungong 12% noong 2006, nakakulekta ang gubyerno ng ₱140.93 bilyon mula sa ₱87.86 bilyon noong 2005.

Mula Enero hanggang Agosto noong 2025, kumita ang gubyerno mula sa VAT ng ₱487 bilyon habang naitala ng BIR ang isa sa pinakamataas na nakulektang VAT noong 2024 na umabot ng ₱643.85 bilyon. Mula 1988, tinatayang aabot sa ₱7.29 trilyon ang kabuuang nakulekta ng BIR sa VAT. Hindi pa kasama dito ang nakulekta ng BOC sa VAT sa mga imported na produkto.

Ang VAT, tulad ng iba pang nakukulektang buwis, ay pumopondo sa operasyon ng reaksyunaryong gubyerno. Dito nagmumula ang pambayad sa lalo pang lumulobong dayuhang utang, maling prayoridad sa militar at depensa at mga proyektong imprastruktura, at para sa kikbak at kurakot ng mga burukratang-kapitalista.

Direkta sa bulsa

Sa kamakailang pagkakalantad ng sistemikong korapsyon ng rehimeng Marcos, nagiging dobleng pasanin ang pagbabayad ng VAT. Dama ni Anna, 43-taong gulang na ina ng tatlo sa Pasig City, ang paghihirap na ito. Sa kanyang binayarang bill sa kuryente (₱4,994.47), tubig (₱1,095.8) at internet (₱2,400) noong Enero, tinatayang ₱1,000 ang nakukulimbat ng estado sa anyo ng VAT. Dadagdag pa rito ang gastos nila sa pagkain, sa LPG, sa eskwelahan, at sa renta, na pawang may nakapatong ding VAT.

“Lahat ng kanilang nakukuha ay direktang ibinubulsa lamang at ginagamit sa pansariling interes kaya ang mga Pilipino ay patuloy pa rin naghihirap kahit pa sila ay kumayod nang kumayod,” ayon kay Anna. Kaisa siya ng malawak na panawagan ng pagpapanagot sa lahat ng sangkot at umaasang maibabalik sa taumbayan ang kanilang pera.

Noong Pebrero 13 at 20, nagsagawa ng protesta ang grupo ng kababaihan na Gabriela sa Commonwealth Market sa Quezon City para ipanawagan: “VAT tanggalin, kurakot panagutin!” Pagsisimula ito ng kanilang kampanya para ipabasura ang VAT na magiging sentrong kampanya ng grupo hanggang sa Pandaigdigang araw ng kababaihang manggagawa. Kaugnay nito, itinutulak sa kongreso ng Makabayan Bloc ang Presyo Ibaba Bill na magtatangal sa 12% VAT.

2 dekadang pagpapahirap ng 12% VAT sa masang Pilipino