Protesta laban sa Rice Liberalization Law at pagtaas ng presyo ng langis
Nagprotesta ang mga grupong magsasaka at manggagawang-bukid sa harap ng Department of Agriculture sa Quezon City bilang paggunita sa ika-7 taong anibersaryo ng pagpasa ng batas para sa liberalisasyon ng importasyon ng bigas noong Pebrero 13.
Mula 2019 hanggang 2026, lumaki ang importasyon ng bigas mula 2.57 milyong tonelada tungong mahigit 5 milyong tonelada. Nagresulta ito sa pagbulusok sa presyo ng palay, mula sa abereyds na ₱20 kada kilo noong 2018 tungong sa ₱14-₱16 kada kilo sa sumunod na mga taon. Nagdulot ito ng pagkalugi ng mga magsasaka, pagbawas o pagtigil sa pagtatanim at higit na pagkabaon sa utang dahil sa gastos sa produksyon at kawalan ng sapat na suporta mula sa estado.
Noong Pebrero 10, nagprotesta sa Quezon City ang mga myembro ng Anakpawis Partylist bilang pagkundena sa walang patid na pagtaas sa presyo ng langis at pakikipagsabwatan ng rehimeng US-Marcos sa kartel ng langis.
Noong Pebrero 17 tumaas ang presyo ng gasolina nang ₱1.20/litro at ₱0.60/litro sa diesel at kerosin. Simula ng taon, netong tumaas na ang presyo ng gasolina nang ₱4.20/litro, diesel nang ₱7/litro at ang kerosin nang ₱5/litro.
Samantala, nag-ulat ang Petron na lumaki ang kita nito nang 37% o ₱9.7 bilyon noong Nobyembre 2025. Habang tumatabo ng bilyun-bilyon ang mga kumpanya ng langis, patung-patong naman ang pagpapahirap sa masang anakpawis.