Dinastiyang Romualdez, nasa likod ng pagmimina ng blacksand sa Leyte
Nagpahayag ng pagtutol ang mga residente ng MacArthur, Leyte laban sa pagmimina ng blacksand ng Mac-Arthur Ironsand Project Corporation (MIPC) sa kanilang bayan nitong Pebrero. Nasa likod ng operasyon ang dinastiyang Romualdez na may kontrol rin sa iba pang mapangwasak na pagmimina sa Eastern Visayas.
Ang MIPC ay kontraktor ng Strong Built Mining Development Corporation (SBMDC). Noong 2007, ginawaran ng Mines and Geosciences Bureau-Region 8 ang SBMDC ng 25-taong Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) saklaw ang 7,411 ektaryang lupa sa mga bayan ng Dulag, Mayorga, MacArthur, Javier at Abuyog. Ang SBMDC ay binili noong 2024 ng Bright Kindle Resources & Investments Inc, kumpanyang pagmamay-ari ni Martin Romualdez, pinsan ni Ferdinand Marcos Jr, dating Speaker at kongresista ng unang distrito ng Leyte.
Tutol ang mga residente sa operasyon dahil sisirain ng pagmimina ang mga lupang sakahan at mga sistemang patubig na kritikal sa produksyon ng pagkain. May mga ulat na rin na pinagbabawalan ang ilang magsasaka na makapasok sa sarili nilang lupa. Noong 2022, natulak na ng pagkakaisa ng mga residente ang pansamantalang pagpapatigil sa operasyon ng MIPC-SBMDC.
Bago pa pumasok ang MIPC-SBMDC sa MacArthur, nagmina na ng blacksand ang Nicua Mining Corporation sa bayan. Nilason ng pagmimina ang Lake Bito dahil natipon sa lawa ang langis at iba pang kemikal mula sa minahan. Ilang beses ding namatay ang tone-toneladang isda at iba pang yamang-tubig sa lawa. Noong 2012, nagbarikada ang mga taga-Barangay Villa Imelda at Barangay Liwayway laban sa operasyon.