Kasunduan para sa kritikal na mineral Panibagong antas ng pandarambong ng imperyalismong US sa Pilipinas
Noong Pebrero 4, pumirma sa kasunduan ang gubyerno ng Pilipinas at US para sa “pagpapaunlad ng kooperasyon” sa pagmimina ng mga kritikal na mineral at rare earth sa bansa. Binuo ang kasunduan habang nasa pulong na 2026 Critical Mineral Ministerial na ginanap sa Washington. Maliban sa Pilipinas, bumuo ng parehong bilateral na kasunduan ang US sa 10 pang bansa. Layon diumano ng kasunduan na maisagawa ang “pagproseso” sa bansa ng gayong mga inieeksport na mineral, partikular ang nickel, cobalt at graphite, alinsunod sa papabilis na tyempo ng produksyon ng mga kalakal na nangangailangan nito.
Ang kritikal na mineral at mga rare earth element ay mahahalagang sangkap para sa paggawa ng mga de-kuryenteng sasakyan, renewable energy, elektroniks, at abanteng teknolohiya. Sa kasalukuyan, ang bansang China ang may kontrol sa 70% ng rare earth mineral sa mundo, at nagpoproseso ng 90% ng suplay ng kritikal na mineral sa mundo.
Ang binuong mga bilateral na kasunduan ay bahagi ng Critical Mineral Security Program ng gubyerno ng US na naglalayong paunlarin ang kapasidad ng US sa produksyon at paproseso ng mga kritikal na mineral habang bumubuo ng bagong alyansang heyopulitikal sa mga bansang nagtataglay ng mayaman sa rekurso. Estratehikong layunin ng imperyalismong US ang mapanatili ang dominanteng posisyon nito sa daigdig laban sa China. Markado na higit na agresibo ngayon ang US upang tiyakin ang kontrol at akses sa mahahalagang rekurso sa buong mundo. Itinituring ng US ang kritikal na mineral bilang usapin ng pambansang seguridad at itinatrato itong kahalintulad sa langis noong nagdaang siglo.
Ang kasunduan ay bahagi din ng programa ng rehimeng Marcos na naglalayong bilisan ang pagdami ng malakihang pagmimina sa bansa sa pamamagitan ng paghikayat ng dayuhang mamumuhunan at pagpakete sa pagmimina bilang “transisyon tungo sa malinis na enerhiya.” Pinabilis at ginawang simple ang pagproseso sa mga aplikasyon sa pagmimina, na sang-ayon din sa adyenda ng US.
Luzon Economic Corridor
Unang pumasok sa kasunduan ang gubyerno ng Pilipinas para sa pagmimina ng kritikal na mineral noong Abril 2024 sa ilalim ng Luzon Economic Corridor (LEC), programa sa ekonomya sa pagitan ng US, Japan at Pilipinas. Layon ng LEC na pabilisin ang koordinasyon sa pamumuhunan sa malalaking proyekto tulad ng riles, modernisasyon ng mga pantalan, “malinis na enerhiya,” at daloy ng suplay para sa semikonduktor at agrikultura. Itinuturing itong pantapat ng imperyalismong US sa Belt and Road Initiative at Maritime Silk Road ng China.
Nagbibigay daan din ang LEC para sa mga kumpanyang Amerikano na malayang makapagmina, magproseso at magluwas ng kritikal na mineral. Pinangangalagaan din nito ang daloy ng suplay ng US mula sa panghihimasok ng China at ibang bansa sa pamamagitan ng pagpapalawak ng pinagkukunan nito ng suplay, at mga dadaanan nitong ruta.
Maliban sa pang-ekonomyang aspeto ng LEC, magsisilbi din itong karugtong ng EDCA. Bahagi ang LEC sa plano ng US na gawing sentro ang Luzon para sa mga operasyon militar nito, na labag sa soberanya ng bansa.
Epekto sa mamamayan
Ang bagong nilagdaang kasunduan ay hudyat ng panibagong bugso ng imperyalistang pandarambong sa likas na yaman ng bansa kapalit ng pambansang industralisasyon, kalikasan, at mga karapatan ng mga lokal na komunidad.
Ang Pilipinas ang ikalawa sa pinakamalaking prodyuser ng nickel, ang pangunahing kritikal na mineral na ineeksport ng bansa. May reserbang deposito ang bansa na 4.8 milyon metrikong tonelada at nagkakahalaga ng $170 bilyon. Pangunahing nakukuha ito sa Zambales, Surigao del Norte at Sur, Dinagat at Palawan.
Karaniwang paraan ng pagmimina ng nickel ay open-pit, isa sa pinakamapanirang anyo ng pagmimina. Ang ganitong proseso ng pagmimina ay nagdudulot ng pagguho ng lupa, at pagkalason ng hangin, lupa, ilog, karagatan, at pinagkukunan ng inuming tubig.
Kapag maipatupad ang kasunduan, tiyak na dadami ang operasyon ng mapanirang pagmimina sa bansa. Magreresulta ito sa higit na pagkawasak sa kalikasan, pagkalat ng nakalalasong basura, pagpapalit-gamit ng mga lupang pang-agrikultura at pagpapalayas, pagsidhi ng militarisasyon, at pagdami ng kasong pagpaslang sa mga magsasaka at katutubo, at pagdami ng paglabag sa karapatang-tao, para lamang sa interes sa ekonomya, militar at heyopulitika ng imperyalismong US.