Kampanyang pagpaparehistro ng indibidwal na prangkisa ng dyip, inilalarga sa buong bansa
Sa halos isang dekada ng huwad na programang modernisasyon sa transportasyon, lalong lumala ang kalagayan ng mga drayber at komyuter sa bansa. Sa ilalim ng Public Transport Modernization Program (PTMP), dating Public Utility Vehicle Modernization Program o “jeepney phaseout,” mahigit 180,000 dyip ang tinanggal sa lansangan at humigit-kumulang 500,000 tsuper at opereytor ang nawalan ng kabuhayan. Milyun-milyong komyuter ang naperwisyo at nagdusa sa mas matataas na pamasahe at kakulangan ng masasakyan.
Sa harap nito, sunud-sunod na nagsagawa ang grupong Piston ng mass filing o sabay-sabay na pagsusumite ng mga dokumento sa LTFRB para ibalik ang indibidwal na prangkisa ng mga tradisyunal na dyip. Ginamit nila ang pagbibigay ng ahensya ng individual provisional authority (IPA) o pansamantalang prangkisa na unang ibinukas noong 2021 para agapan ang kasalatan ng mga pampublikong sasakyan sa maraming ruta. Bagamat probisyunal, itinuturing ito ng Piston na malaking hakbang tungo sa pagbabalik ng 5-taong indibidwal na prangkisa. Kasabay nito, nanawagan ang Piston para sa “mass withdrawal” o pagbabaklas ng mga drayber at opereytor mula sa mga konsolidadong prangkisa.
Nanindigan ang grupo na ang konsolidasyon ng prangkisa ay “monopolyo, pang-aagaw at pangwawasak” sa kabuhayan ng mga indibidwal na tsuper at opereytor. Patunay dito ang maramihang pagsasara ng mga kooperatiba dahil sa pagkabaon sa utang at maagang pagkasira ng mga “modernong sasakyan.”
Sa Albay, ibinahagi ng Condor-Piston ang sistema ng korapsyon kung saan kumikita ng ₱100,000-₱200,000 na komisyon ang mga tagapangulo ng mga huwad na kooperatiba sa kada biniling “modernong” sasakyan. Ang tagapangulo ang nangutang sa bangko, pero ang mga myembro ng “kooperatiba” ang nagbabayad dito. Pinahihintulutan ng rehimeng Marcos at mga ahensya nito ang ganitong kalakaran.
Sa Baguio City, baon sa utang ang mga tsuper na pinilit bumili ng mga imported na sasakyan sa halagang ₱3.3 milyon kada isa, at pinahuhulugan ng ₱33,000 kada buwan. Ayon sa Piston-Metro Baguio, sentensyang kamatayan ito sa kabuhayan ng maliliit na opereytor, at pagpabor sa dayuhang mga suplayer at malalaking korporasyon. Dahil sa matataas na bayarin, posibleng tumaas ang pamasahe nang hanggang ₱50 kada byahe.
Pambansang laban
Sa National Capital Region, Cordillera, Panay at Bicol, marami nang tsuper at opereytor ang nagsagawa at handang magsagawa ng mass filing para kumuha ng probisyunal na indibidwal na awtoridad at rehistro.
Sa Metro Baguio, sama-samang nanindigan ang mga tsuper at opereytor para ilantad ang korapsyon sa mga kooperatiba, korporasyon at samahan. Ibinunyag nila ang mga katiwalian sa mga ito tulad ng kawalan ng tunay na eleksyon ng mga pinuno, sobra-sobrang butaw sa pagpapasapi at iba pang bayarin, labis na kontrol ng nasa pamunuan, at kawalan ng dibidendo o tamang hatian sa kita. Nariyan din ang kawalan ng transparency at ang maanomalyang paghawak ng pera na nagreresulta sa pagkakautang at paghihirap ng mga tsuper at opereytor.
Sa Iloilo at Guimaras, sabay-sabay na naghain ng mga dokumento para sa pansamantalng prangkisa ang mga tsuper noong Pebrero 12. Panawagan din nila ang pagbabasura sa hindi demokratiko, makanegosyo, at mapangwasak na Local Public Transport Route Plan ng Iloilo City at Provincial Public Transport Route Plan ng Iloilo Province. Bago nito, nagtipon ang mahigit 30 samahan, kapwa konsolidado at di konsolidado, sa ilalim ng No To PUV Phaseout Coaliton Iloilo at Guimaras noong Enero 31. Isang protesta rin ang isinagawa ng mga konsyumer at pasahero sa Iloilo City noong Pebrero 16 dahil sa kakulangan ng masasakyan.
Sa Albay at Sorsogon, nagtipon ang mga myembro ng Condor-Piston Bicol noong Pebrero 8 para itakda ang mass filing ng mga drayber at opereytor mula sa iba’t ibang distrito ng Albay. Dumalo rin ang mga tsuper mula sa Sorsogon na nagbahagi ng dagdag nilang problema kaugnay sa maanomalyang Local Public Transport Route Plan. Anila, hindi ibinukas sa konsultasyon ang bagong mga ruta at batbat ng korapsyon ang proseso.
Paliwanag ng Piston, ang pagtulak nila ng laban para sa probisyunal na awtoridad at rehistro ay nakabatay sa laban para ibalik ang karapatan sa indibidwal na prangkisa. Ang pagpaparehistro ng mga indibidwal na tsuper at opereytor ay paggigiit nila sa estado sa kanilang karapatan sa kabuhayan at disenteng pamumuhay.