Pagmimina ng Woggle Corporation, napatigil ng mamamayan

,

Bunga ng walang tigil na pakikipaglaban ng mamamayan ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya laban sa panghihimasok ng Woggle Corporation sa kanilang komunidad, napilitan ang Mines and Geosciences Bureau na ipag-utos noong Pebrero 5 ang pansamantalang suspensyon ng permit sa eksplorasyon ng kumpanya. Sinabing dahilan nito ang “force majeure” o pangyayaring wala sa kontrol ng may hawak ng permit. Kabilang sa mga pangyayaring ito ang pagtatayo ng barikada, mariing pagtutol at umiiral na tensyon sa pagitan ng mga residente at kumpanya

Sa kabila ng kautusan, ipinagpatuloy pa din ng kumpanya ang eksplorasyon. Noong Pebrero 17, sa tulong ng PNP, inilabas ng kumpanya ang mga makina nito at inihatid sa DENR ang mga mineral sample na nakuha mula sa baryo.

Noong Pebrero 12, nagprotesta ang daan-daang residente, grupong pangkalikasan, taong-simbahan at mga sumusuporta sa laban ng mga taga-Dupax. Isinagawa ang pagkilos sa kapitolyo ng Nueva Vizcaya upang ipanawagan ang agarang kanselasyon sa permit sa eksplorasyon ng kumpanya.

Inilunsad ang pagkilos kasabay ng pagdinig ng pitong tanggol kalikasan na inaresto matapos ang marahas na pagbuwag sa barikada noong Enero 23. Sa pagdinig, bilang makataong konsiderasyon, binawi ng RTC branch 30 ang kautusan nito na pinagpapaliwanag ang pitong residente ng Dupax del Norte kung bakit hindi sila dapat sampahan ng kasong indirect contempt (paglabag sa utos ng korte).

Noong Pebrero 16 itinatag sa UP Diliman ang Defend Nueva Vizcaya Movement. Dumalo dito ang mga lider sa komunidad ng Dupax del Norte, grupong pangkalikasan, mga katutubo, taong simbahan, akademikong institusyon, at mga indibidwal para ipagtanggol ang kalikasan, likas na yaman at karapatan ng mamamayan sa Nueva Vizcaya.

Pagmimina ng Woggle Corporation, napatigil ng mamamayan