Mga detalye ng kikbak ni Marcos, isiniwalat

,

Isiniwalat ni Rep. Antonio Tinio ng ACT Teachers Partylist ang ilang detalye ng korapsyon na kinasasangkutan ni Ferdinand Marcos Jr kaugnay sa maanomalyang mga proyekto sa flood control. Sa isang talumpati sa Kongreso noong Pebrero 10, sinabi niyang personal niyang nakita ang mga palitan ng mensahe sa pagitan ni Marcos at Adrian Bersamin, dating pinuno ng Presidential Legislative Liaison Office, na umaktong “utusan” ni Marcos sa mga transaksyon. Si Bersamin ay apo sa pamangkin ng dating executive secretary ni Marcos na si Lucas Bersamin.

Naganap ang palitan ng mensahe sa pagitan ng Disyembre 2024 hanggang Hulyo 2025, sa panahong ipinag-utos ni Marcos ang pagsingit ng mga proyektong nagkakahalaga ng ₱100 bilyon sa badyet para sa 2025. Sentral sa palitan ang paghahatid ni Bersamin ng ₱8 bilyong kikbak na napag-alamang ginamit ni Marcos sa eleksyong 2025. Una nang isiniwalat ng dating undersecretary ng Department of Public Works and Highways na si Roberto Bernardo na naghatid siya ng ₱8 bilyon kay Bersamin at noo’y undersecretary sa edukasyon na si Trygve Olivar. Sa mga mensaheng ipinakita kay Tinio, ipinaalam ni Bersamin kay Marcos na “kumpleto na” ang paghahatid ng naturang halaga noong Marso 2025.

Noong Hulyo 2025, ilang araw bago ang state of the nation address (SONA) ni Marcos kung saan kinastigo niya ang mga kongresista sa mga katagang “mahiya naman kayo” kaugnay sa mga proyektong flood control, tumanggap si Marcos ng dagdag na ₱2 bilyong kikbak na inihatid ni Bersamin sa binili ni Marcos na bahay sa Forbes Park.

Ang impormasyong ito ay nagmula kay Rep. Leandro Leviste na una nang nagsiwalat na may hawak siyang mga bidyo at affidavit mula sa mga Bersamin na magpapatotoo sa mga pangyayari. Ibinahagi niya ang mga ebidensyang ito sa mga kinatawan ng Makabayan, Liberal Party at iba pang grupo.

Dahil sa pag-aalangan ni Leviste na isapubliko ang naturang mga bidyo at mensahe, hindi naisama ang mga ito sa impeachment complaint na inihain laban kay Marcos. Ibinasura na ang naturang reklamo noong Pebrero 10, kung kailan isiniwalat ni Tinio ang mga ebidensyang naipon ni Leviste.

Mga detalye ng kikbak ni Marcos, isiniwalat