Mga agresibong maniobrang nabal, tuluy-tuloy na isinasagawa ng US sa karagatan ng Pilipinas
Sa gitna ng pagbatikos sa China ng mga upisyal ng Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines (AFP), at mga maka-US na senador, sa pakitang-taong pagtaguyod ng soberanya ng Pilipinas, walang patid ang agresibo at interbensyunistang mga maniobrang militar at nabal ng US sa West Philippine Sea (WPS). Lalong pinalalaki ng mga maniobrang ito ang posibilidad ng pagsiklab ng armadong sagupaan sa pagitan ng US at ng China, at pagkaladkad sa Pilipinas sa inter-imperyalistang gera.
Simula pa lamang ng taon, inianunsyo na ng AFP ang paglulunsad ng US ng samutsaring aktibidad sa WPS mula Enero 15 hanggang Marso 31. Noong Pebrero 2-6, nagsagawa ang US ng Bilateral Bomber Air Patrol saklaw ang Scarborough Shoal (Bajo de Masinloc) hanggang sa Luzon Strait. Noong Pebrero 13, dumaong ang barkong pandigma ng Australia sa Subic Bay sa Zambales matapos “lumayag” at nanghimasok sa sigalot sa Kalayaan Island Group noong Pebrero 9-10. Kasama ang US at Japan, nakibahagi ito sa mapanganib na mga maniobra sa WPS sa ilalim ng ika-14 na Multilateral Maritime Cooperative Activity.
Samantala, bwelado na ang paghahanda para sa panibago na namang mapangwasak na war games na Salaknib at Balikatan (Sabak) na nakatakda mula Abril hanggang Hunyo. Mula Enero, naging masinsin ang paglabas-masok sa Pilipinas ng matataas na upisyal militar ng US, Japan at Australia para sa paghahanda sa mga aktibidad na ito.
500+ aktibidad militar
Ang nabanggit na mga war games ay bahagi ng higit 500 interbensyunistang aktibidad na nakatakdang ilunsad ng US sa Pilipinas ngayong taon. Hindi kasali sa bilang na ito ang mga unilateral (hindi kasama ang AFP) na war games na isasagawa ng US sa teritoryo ng bansa. Hindi rin kabilang dito ang mga war games na ipatatawag ng Australia at Japan.
Para bigyan-katwiran ang mas madalas at malaking mga war games ngayong taon, sinasabi ng US na kritikal diumano ang taong 2026 dahil may balak ang China na gumamit ng dahas para muling ipailalim sa pamamahala nito ang Taiwan simula 2027. Sa kabila ito ng palagiang sinasabi ng China na anumang “reunipikasyon” sa Taiwan ay isasagawa sa mapayapang paraan.
Inaprubahan ang listahan ng mga war games noon pang Agosto 2025 sa taunang pulong ng Mutual Defense Board-Security Engagement Board. Muli itong pinagtibay nitong Pebrero 16 sa ika-12 Philippines‑US Bilateral Strategic Dialogue kung saan inianunsyo ng US na magtatambak ito ng dagdag na mga drones at misayl laban sa China sa bansa. Sa gayon, ang mga maniobra ng US sa WPS ay hindi “reaksyon” sa presensya ng China, kundi kalkuladong mga aksyon para painitin ang rehiyon.
Panlolokong “transparency”
Habang sinasabing “transparency” o pagbubunyag ng sitwasyon sa WPS ang ginagawang paglalantad sa “panghihimasok” ng China sa WPS, sadya namang tinatabunan ng AFP at mga sugo ng US ang maramihang presensya at panghihimasok ng mga tropang Amerikano sa mga usapin sa Pilipinas, at pag-angkin ng mga ito sa mga estratehikong lokasyon sa bansa.
Nito lamang Pebrero, isinapubliko ng US ang pagbubuo noong Hulyo 2025 ng Army Rotational Force-Philippines. Kasabay ang operasyon nito sa Littoral Rotational Force-Luzon, isang yunit ng US Marine Corps na nakabase pangunahin sa dulong hilagang bahagi ng Luzon. Noong Oktubre 2025, ipinailalim ang mga yunit na ito sa Task Force Philippines, isang kumand ng US na binuo matapos tanggihan ng maraming bansa sa Southeast Asia ang tulak ng US na magbuo ng pormal na kasunduang paniktik laban sa China. Salit-salitan ang mga tropang Amerikano sa pormasyong ito na permanente nang nakabase sa bansa.
Dagdag sa mga barkong pandigma, namamalagi sa South China Sea at sa mga dagat ng Pilipinas (WPS at inter-isla) ang mga barko ng US na pang-sarbey ng karagatan at pang-sarbeylans sa mga barkong Chinese. Ang mga barkong ito ay tinatauhan ng mga “sibilyang marino” na nakapailalim sa US Military Sealift Command.
Lampas-lampas ang presensya ng mga ito sa isinapublikong siyam na “pinagkasunduang lokasyon” sa ilalim ng EDCA. Binibigyan ang mga tropang Amerikano na ito ng ekstra-teritoryal na mga karapatan at proteksyon. Ligtas sila sa mga lokal na batas at hindi sila basta-bastang mapananagot sa anumang krimeng maaari nilang magawa.