2026 SIPP ni Marcos: Pabor sa mga dayuhan, pahirap sa bayan
Habang tumatanggi ang rehimeng Marcos na bigyan ng kaunting alwan ang mamamayan sa pamamagitan ng pagtatanggal ng VAT at iba pang pabigat na buwis, abala naman ito sa paggawad ng mga insentiba at tax break o pribilehiyong di magbayad ng buwis sa malalaking dayuhang kumpanya.
Isa sa mga pakana ng rehimen ang 2026 Strategic Investment Priority Plan (SIPP), isang “roadmap” o plano ng pamumuhunan na binalangkas ng Board of Investments (BOI) noong Enero. Pinirmahan ito ni Ferdinand Marcos Jr noong Mayo 21 at isinapubliko noong Hunyo 3. Tinukoy ng roadmap na ito ang mga larangan ng pamumuhunan kung saan 14-17 taon na hindi magbabayad ng buwis ang mga dayuhang mamumuhunan.
Ibayong pagsuko ng soberanya at pagbebenta ng murang lakas-paggawa ng mga Pilipino sa mga dayuhan ang laman ng SIPP. Saklaw nito ang mga larangan ng pamumuhunan na dati nang ipinaubaya sa mga dayuhan. Dinagdag pa ang mga larangang ito sa ilalim ng rehimeng Duterte hanggang rehimeng Marcos, kung saan pinahintulutan at pinadali ang 100% dayuhang pagmamay-ari sa mga estratehikong sektor gaya ng telekomunikasyon, transportasyong panghihimpawid, lokal na pagbabapor, at renewable energy (RE).
Industriya para sa imperyalistang gera
Ibayong binigyan ng insentiba ng SIPP ang mga operasyon ng mga kumpanyang papasok sa semi-processing ng kritikal na mineral at iba pang “serbisyong kaugnay sa mga aktibidad pandepensa.” May espesyal na kategorya ito sa tinatawag na mga “frontier technology” tulad ng artificial intelligence (AI), cybersecurity, enerhiyang nukleyar, at abanteng pananaliksik at pagpapaunlad. Ang mga subsektor na ito ang kasalukuyang itinutulak ng imperyalismong US sa ilalim ng Luzon Economic Corridor at Pax Silica Initiative. Tatamasa ang mga kumpanyang papasok dito ng pinakamalalaki at matatagal na libreng buwis at iba pang insentiba.
Taliwas sa ipinagpipilitan ng mga rehimen, malayo sa katotohanan na magbubunsod ng pag-unlad sa ekonomya ang SIPP. Sa kasaysayan ng Pilipinas, hindi kailanman nagbunga ng industriyalisasyon ang direktang pamumuhunan ng mga dayuhan. Sa ilalim ng mga patakarang neoliberal sa nagdaang mga dekada, tuluy-tuloy ang pagbulusok ng pagmamanupaktura. Katunayan, tuluy-tuloy na lumiliit ang bahagi nito sa buong ekonomya (GDP), mula sa dating 20-25% noong dekada 1950 tungong 2.5% noong 2025, pinakamababa sa mahigit 70 taon.
Walang magbabago sa ganitong papadausdos na direksyon ng lokal na ekonomya. Nakadisenyo ang SIPP para sa “global supply chain” at hindi para sa pagtatayo ng sariling pambansang industriya. Lalo lamang nitong itatali ang bansa bilang tagasuplay ng murang hilaw na materyales, at supil na lakas paggawa para sa bahagyang pagpoproseso ng mga imported na kalakal para sa muling pag-eeksport.
Hungkag na pangakong trabaho
Ipinagmamalaki ng rehimen na lilikha ng milyun-milyong trabaho ang SIPP, kung saan 420,000 diumano ay magmumula sa sektor pa lamang ng RE. Isang milyon din diumano ang malilikhang trabaho sa Luzon Economic Corridor.
Taliwas dito ang aktwal na mangyayari. Ngayon pa lamang, kaliwa’t kanan ang pagpapalayas sa masang magsasaka at katutubo na inaagawan ng lupa para pagtayuan ng mga proyektong solar at onshore windfarm. Libu-libong mangingisda ang mawawalan ng pangisdaan para bigyan-daan ang mga higanteng turbina ng mga offshore windfarm. Hindi lamang kagyatan ang pagkawasak ng kabuhayan kundi pangmatagalan dahil sa pinsalang dala sa konstruksyon ng dambuhalang mga proyektong RE sa kalupaan at karagatan.
Gayundin, hindi pag-unlad kundi ibayong pagsasamantala sa lakas-paggawa ang ipinagmamayabang na malilikhang mga trabaho sa “abanteng pagmamanupaktura” at “mindfacturing.” Sisipsipin lamang ng mga dayuhang kumpanya ang talino at dunong ng mga Pilipino para sa kanilang gamit sa ekonomya at militar.
Samantala, mananatili ang mapanupil at mapagsamantalang mga patakaran sa mga engklabong pinaglalagakan ng dayuhang kapital. Sa kabila ng mataas na tantos ng produktibidad sa mga empresa sa loob nito, karamihan ng mga manggagawa dito ay sinasahuran lamang ng minimum. Halos lahat sa kanila ay kontraktwal at may minimum na mga benepisyo. Kahit ang mga regular ay walang laban sa biglaang pagsasara ng mga pabrika at paglilipat ng mga operasyon ng mga kumpanya sa ibang bansa.