Patuloy na niyayanig ng inutil na rehimeng Marcos ang mga biktima ng lindol sa Mindanao
Dalawang malalakas na lindol ang tumama sa mga prubinsya ng Mindanao noong Hunyo. Una ang magnitude 7.8 na lindol noong Hunyo 8 kung saan nasa karagatan ng Sarangani ang episentro, at ikalawa ang 6.6 magnitude na lindol noong Hunyo 26 na nasa karagatan ng Davao Occidental ang episentro. Sinundan pa ito ng mga aftershock na halos umabot na sa bilang na 10,000. Sa harap nito, patuloy ang pagguho ng kabuhayan ng masang apektado ng lindol, hindi lamang dahil sa sakuna, kundi bunga ng kainutilan ng rehimeng Marcos.
Sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) noong Hulyo 1, umabot na sa 88 ang kumpirmadong namatay sa panahon ng lindol. Mayroon pang 24 na nawawala habang 1,316 ang naitalang nasugatan. Samantala, hindi bababa sa 319,275 pamilya o 1.68 milyong katao sa 627 na mga barangay ang napinsala ng lindol. Nasa 18,360 ang tuluyang gumuhong mga bahay habang 94,919 ang bahagyang nasira. Maraming kalsada at pampublikong imprastruktura rin ang nawasak.
Sa kabila nito, usad-pagong ang rehimeng Marcos at lokal na mga gubyerno para makabuluhang tugunan ang epekto ng lindol. Nakatutok lamang ang gubyerno sa lantay na pamamahagi ng isahan at limitadong ayuda, sa halip na komprehensibong mga hakbang at patakaran.
Hindi inaabot ng tulong
Maraming bayan na ang nagdeklara ng “state of calamity” sa Mindanao para agarang makapaglabas ng pondo para sa pagharap sa sakuna. Sa kabila nito, maraming komunidad ng magsasaka ang hindi inaabot nito. Sa panayam ng Ang Bayan sa ilang magsasaka sa apektadong mga prubinsya, ibinahagi nilang wala silang natatanggap na tulong at kumpensasyon mula sa gubyerno.
Sa isang komunidad, natumba ang tanim na palay ng mga magsasaka dahil sa lindol na sana’y pagkukunan nila ng pangkonsumo para sa buong taon. Sa ilang erya, hindi makapagdeliber at makapagbenta ng produktong abaka ang mga magsasaka dahil sa sira-sirang daan at nakabalandrang malalaking bato bunga ng pagguho ng lupa.
Kanya-kanyang pagsisikap ang mga komunidad para isaayos ang kanilang mga kalsada para makabyaheng muli ang mga sasakyan. Sa ilang kaso, nilalakad na lamang nila ang poblasyon mula sa mga sityo para makapaghanapbuhay. Kasabay nito, iniinda nila ang nasirang mga bahay at kagamitan.
Lalo pang ikinadismaya ng mga magsasaka ang nasagap nilang balita ng pangungurakot ng mga lokal na upisyal sa ayudang dapat ipinamamahagi sa kanila. Sa isang bayan sa Sarangani, pinalalabas ng meyor na ipinamigay sa kabilang bayan ang mga bigas na nakalaan para sa mga residente ngunit natuklasang iniimbak at itinatago lamang ito ng lokal na gubyerno.
Para sa mga magsasaka, hindi na bago ang kawalan o makupad na serbisyong panlipunan ng gubyerno sa kanila. Kwento pa nila, wala pa mang lindol ay sadyang sira-sira na ang kanilang mga kalsada.
Pagpapalakas sa nagkakaisang tinig
Puspusan ang pagsisikap ng rebolusyonaryong pwersa sa Far South Mindanao, kung saan bahagi ang Sarangani, para buklurin at palakasin ang nagkakaisang tinig ng mga magsasaka at mamamayang tinamaan ng lindol. Iminumulat nila ang masang magsasaka sa kanilang mga karapatan para magkaisa at kumilos na singilin ang lokal na gubyerno at rehimeng Marcos.
Bunga nito, naglakas-loob ang ilang mga lider ng sityo na magtungo sa sentro ng barangay para iulat ang pinsala sa kanilang komunidad. Kasabay nito ang paggigiit nila ng kumpensasyon at suporta. Hinihimok rin ng mga pwersang rebolusyonaryo ang mga residente na magbuo ng mga organisasyon para magsilbing bisig sa paggigiit sa kanilang mga panawagan.
Sa ilang erya, direkta namang nakatuwang ng masa ang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa pagtatanggal ng malalaking bato sa mga kalsada pagkatapos ng lindol. Sa ganitong mga pagkakataon, naipapakita ng hukbong bayan na sila ay maaasahang hukbo ng masang anakpawis.
Ang pagtulong at pagtugon sa mamamayang apektado o biktima ng kalamidad ay bahagi ng Programa sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan ng Partido. Katuwang ang mga yunit ng hukbong bayan at lokal na gubyernong bayan, isinasagawa ng rebolusyonaryong kilusan ang iba’t ibang anyo ng pagsagip, pagtulong at pagpapakilos sa mamamayang biktima ng sakuna.