Editoryal

Hindi magagapi ni Marcos ang rebolusyonaryong paglaban ng bayan

, ,

Apat na taon na ang pagdurusa ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng papet, pahirap at pasistang rehimeng Marcos. Anumang pilit na ilarawan ni Ferdinand Marcos Jr na “umuunlad” ang Pilipinas, hindi niya mapagtatakpan ang katotohanang sumasahol ang kalagayan ng bansa at sambayanang Pilipino. Kaliwa’t kanan ang deklarasyon ng mga upisyal ni Marcos na nagapi na ang rebolusyonaryong armadong paglaban, pero walang habas pa rin ang mga operasyong militar sa lahat ng larangang gerilya sa buong bansa. Patuloy na ginagatungan ni Marcos ang apoy ng digmang bayan.

Palala nang palala ang kalagayan ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda at iba pang batayang uri at sektor na bumubuo ng mayorya ng mamamayan. Sa kabilang panig, ang iilang naghaharing uri, kasabwat ang imperyalismong US, ay nabubundat sa yamang kinakamal mula sa pang-aapi at pagsasamantala sa masang anakpawis, sa burukratikong korapsyon, pandarambong sa likas na yaman, at sa pang-aagaw ng lupa at kabuhayan. Nasa bingit ang kaligtasan ng buong bansa sa pagpayag ni Marcos na gamitin ng US ang Pilipinas bilang malaking base militar.

Bumubulusok ang pamumuhay ng mamamayan sa harap ng pagsirit ng presyo ng langis, pagkain at mga araw-araw na pangangailangan. Walang saysay ang mga pakitang-taong hakbang ni Marcos, gaya ng mga palabas na pamimigay ng bigas at ayuda. Ang sahod ng mga manggagawa at sweldo ng karaniwang mga kawani ay wala pa sa kalahati ng halaga para mabuhay ng disente ang lima kataong pamilya. Lalong nababaon sa utang ang mga magsasaka sa harap ng lumalaking gastos sa produksyon at pamumuhay.

Masidhi ang krisis ng disempleyo. Milyun-milyon ang walang hanapbuhay, laluna ang mga kabataan. Libu-libong manggagawang Pilipino ang araw-araw nangngingibang-bayan para maghanap ng trabaho. Resulta ito ng pagbagsak ng lokal na produksyon, kapwa sa manupaktura at agrikultura, bunga ng todong liberalisasyon sa pag-iimport at pagbaha ng dayong mga kalakal. Walang programa para ipundar ang lokal na pambansang industriya para sa produksyon ng mga saligang pangangailangan ng bansa. Lalong inilulubog ni Marcos ang Pilipinas sa utang.

Habang hikahos ang mamamayan, walang awat ang girian ng nagriribalang paksyon para sa kurakot at kapangyarihan. Malayo pa ang eleksyong 2028, pero nagsimula na ang maniobrahan at balyahan. Para sagkaan ang pagtakbo ni Vice President Sara Duterte, itinutulak ng kampong Marcos ang impeachment. Ito ay kahit pa ang tunay na hangad dito ng taumbayan ay katarungan at pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa korapsyon at pagnanakaw sa pondo ng bayan, higit lalo ang pinakamataas na upisyal at pasimuno ng burukrata-kapitalismo na si Marcos.

Hinihigitan ni Marcos ang lahat ng nagdaang papet na presidente sa pagiging sunud-sunuran sa dikta ng imperyalismong US. Sa ekonomya, todo-bigay si Marcos ng mga pabuya at pribilehiyo para sa mga dayuhang kapitalista. Kabi-kabila ang pang-aagaw ng lupa para sa mga plantasyon at proyektong “renewable energy.” Habang walang lupang inilalaan sa mga magsasaka, bubuksan ni Marcos ang 1,620 ektaryang lupain para sa “economic security zone” para sa mga korporasyong Amerikano, sa balangkas ng Pax Silica. Sa larangang militar, walang kapantay ang paglaki ng pwersang militar ng US sa loob at karagatan ng Pilipinas, sa balangkas ng paghahanda sa imperyalistang gera laban sa China. Bulag na pumapayag si Marcos na gamitin ang Pilipinas bilang malaking base militar at lunsaran ng gerang agresyon at panghihimasok ng US. Walang pakialam si Marcos na makaladkad at magdusa ang mga Pilipino sa digmaang pinasisiklab ng US.

Sinusulsulan at ginagatungan ng US ang pasistang panunupil sa Pilipinas para sugpuin ang iba’t ibang anyo ng anti-imperyalistang paglaban ng mamamayang Pilipino—armado at hindi. Mahigit isang bilyong dolyar ang inilaan ng US para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa susunod na limang taon. Todo larga ang panghihimasok at panunulsol ng militar ng US sa gerang kontra-gerilya at kampanyang panunupil at pagpataw ng batas militar sa kanayunan, sa tabing ng Salaknib at iba pang “military exercise.” Sinusuplayan ng US ang mga yunit ng AFP ng mga sandata at iba pang kagamitan ang maliitang mga operasyon sa desperasyong gupuin ang patuloy na paglawak at paglaganap ng BHB.

Sa mata ng taumbayan, ang rehimeng Marcos ay katumbas ng walang kapantay na korapsyon, paghihirap at kagutuman ng masa, pangangayupapa sa mga dayuhan, at pasistang panunupil. Sa malawak na mamamayan, malinaw na si Marcos ang kumakatawan sa bulok at pinaglipasang sistemang pinaghaharian ng imperyalistang US at kasabwat na iilang naghaharing uri. Si Marcos ngayon ang numero unong nagtutulak sa sambayanang Pilipino na magbangon at suungin ang mahirap na landas ng paglaban.

Sa iba’t ibang dako ng bansa, sumisiklab ang mga pakikibaka ng masa para ipagtanggol ang kanilang lupa at tahanan, ipaglaban ang nakabubuhay na sahod, batikusin ang korapsyon, panagutin ang mga mandarambong, ipagtanggol ang kanilang karapatan, labanan ang pagsira sa kalikasan, iprotesta ang presensya ng mga dayuhang tropa at ipagtanggol ang kaligtasan ng bansa. Itinatayo ang kanilang mga organisasyon at sama-sama silang kumikilos para ipaglaban ang kanilang kapakanan at ang interes ng buong bayan.

Sa kanayunan, matatag na sumusulong at lumalawak ang armadong pakikibaka, sa paglapad ng mga sona at larangang gerilya. Saan man dumako, mainit na sinasalubong ng masa ang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan, at mahigpit na niyayakap bilang tunay nilang Hukbo. Sa pamamagitan ng BHB, tumitibay ang loob ng malawak na masang magsasaka na tumindig at labanan ang mga panggagahis sa kanila ng mga mangangamkam ng lupa kasama ang mga bayaran nilang pasista.

Sa harap ng dinaranas na panunupil at pang-aapi ng sambayanang Pilipino, determinado ang Partido na magsilbing pwersang nasa ubod at namumuno sa kanilang pakikibaka para wakasan ang pang-aapi, baguhin ang kanilang kapalaran at ipundar ang bagong bansang malaya at demokratiko. Sa diwa ng kilusang pagwawasto, iniaalay ng mga kadre at kasapi ng Partido ang kanilang talino at buong lakas para sa adhikain ng sambayanan. Nasaan man ang masa, malalim at malawak na umuugat ang Partido para gabayan sila sa pagbagtas sa landas ng paglaban.

Hindi magagapi ni Marcos ang rebolusyonaryong paglaban ng bayan