Paglobo ng yaman ni Enrique Razon, higit na pagdurusa ng sambayanang Pilipino
Noong Hunyo 15, iniulat ng Forbes magazine ang yaman ni Enrique Razon Jr na nasa $18.8 bilyon, ika-143 pinakamalaki sa buong mundo, at bilang pinakamayamang Pilipino. Katumbas ng kanyang yaman ay ₱1.27 trilyon, dahilan para tagurian siyang unang “trilyunaryo” sa Pilipinas.
Pinakamalaking negosyo ni Razon ang International Container Terminal Services, Inc (na may kabuang kita ng ₱177.3 bilyon) Manila Water Co. (₱66.6 bilyon) at Bloomberry Resorts Corp (₱53.9 bilyon). May mga negosyo din siya sa sektor ng pagmimina, renewable energy, kuryente, real estate, langis at pamumuhunan. Pagmamay-ari din niya ang nasa 60% ng apat na gas-fired na planta ng kuryente na dating hawak ng mga Lopez.
Noong Marso, binili niya ang SierraCol Energy Limited, ang pinakamalaking independyenteng kumpanya ng langis at gas sa Colombia, mula sa The Carlyle Group.
Kronyismo ni Razon
Kilalang kroni ang pamilyang Razon noong panahon ni Marcos Sr, na nagsilbing kasangkapan sa pagkamal ng diktador ng milyun-milyong dolyar na halaga ng ari-arian. Ipinagpatuloy ni Razon ang pagging kroni sa bawat administrasyong umupo, laluna mula dekada 2000.
Pinakamabilis ang paglawak ng ICTSI sa ilalim ni dating pangulong Gloria Arroyo, na ang asawang si Mike ay malapit na kaugnayan ni Razon. Naging mahalaga siyang tauhan ng mga Arroyo sa mga kontrobersyal na mga kontrata, kabilang ang pagbili ng State Grid Corporation of China sa National Grid Corporation of the Philippines, at sa nabigong NBN-ZTE deal. Kapalit nito, pinondohan niya ang kandidatura ni Arroyo at ng kanyang mga kaalyado. Noong 2007, nagsilbi siyang ingat-yaman ng Team Unity ng Lakas-Kampi at kalaunan ay naging bahagi sa pagtatatag ng National Unity Party.
Sa ilalim ng rehimeng Duterte, magkakasunod na sinakmal ni Razon ang Manila Water at mga kumpanya sa kuryente, ang Apex Mining, mga casino ni Dennis Uy, at iba pa. Halos dumoble ang kanyang yaman noong pandemya.
Sa ilalim ng rehimeng US-Marcos, umabot sa ₱909.3 bilyon ang inilago ng kanyang kita, pinakamalaki sa malalaking burgesyang kumprador.
Mga anti-mamamayang proyekto
Talamak si Razon sa kamuhi-muhing mga negosyo, anti-mamamayang mga proyekto at paggamit ng militar at bayarang goons upang pigilan ang paglaban ng mamamamayan.
Kabilang sa mga ito ang mga dam na itatayo sa mga lupaing ninuno at magpapalayas sa mga katutubo at magsasaka. Kasama dito ang Wawa-Violago Dam sa Rizal, Jalaur Megadam Project sa Iloilo, Chico Hydropower Project sa Kalinga, at Ahunan Dam sa Laguna.
Noong Pebrero 6, 2024, nasa 101 katao, karamihan ay mga minero, ang nasawi sa landslide sa Barangay Masara, Maco, Davao de Oro, nasa loob ng operasyon ng Apex Mining. Una na ring nagkaroon ng malalaking landslide sa lugar noong 2008 at 2012 dulot ng malawakang pagmimina sa lugar.
Noong Enero 8, 36 ang nasawi sa gumuhong tambakan ng basura na pinatatakbo ng Prime Integrated Waste Solutions Inc., kumpanya ni Razon. Matagal nang inirereklamo ng mga residente ng Barangay Binaliw, Cebu City ang tambakan dahil sa matinding amoy at epekto nito sa bundok at mga ilog sa paligid nito.
Sa Maynila, mahigit 7,000 residente ang nagbabadyang mawalan ng tirahan sa Parola Compound, Delpan, Binondo dahil sa North–South Harbor Bridge Project. Pagka-anunsyo ng pagsisimula ng proyekto noong Mayo 22, kinabukasan, nasunog ang buong komunidad.
Yamang hinuthot sa bayan
Ang patuloy na pagyaman ng malalaking burgesya komprador, panginoong maylupa at burukrata kapitalista ay walang ambag sa pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon at pagtatatag ng nagsasariling ekonomya ng bansa. Sa halip, isa itong mabigat na pasanin ng buong bayan, dahil katumbas nito ang umiiral na sistema ng pagkamkam ng lupa para sa interes ng negosyo at imperyalismong US.
Sa gitna ng lumulubhang inhustisya at di pagkakapantay-pantay, lalong tumitingkad ang kawastuhan ng pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon upang ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo, at burukratang kapitalismo. Sa ilalim ng demokratikong gubyernong bayan, wawasakin ang monopolyo sa lupa, isusulong ang pambansang industriya, itataguyod ang malayang patakarang panlabas at titiyakin ang kapakanan ng masa ng sambayanan.