Venezuela, niyanig ng malalakas na lindol
Niyanig ng malalakas na lindol ang hilagang-gitnang bahagi ng Venezuela, kabilang ang kabiserang Caracas at ang rehiyon ng La Guaira, noong hapon ng Hunyo 24. Ayon sa mga ulat, naganap ang magkasunod na lindol na may lakas na magnitude 7.2 at magnitude 7.5 sa pagitan ng 39 segundo. Dahil sa pagiging mababaw ng pinagmulan ng lindol sa San Sebastián fault system, gumuho ang maraming gusali at ospital, at nawalan ng suplay ng kuryente at komunikasyon ang milyong katao.
Sa mga ulat noong Hulyo 5, halos 3,000 na ang nakumpirmang nasawi, higit 16,000 ang nasugatan at puu-puong libo ang hinahanap pa sa mga gumuhong gusali. Higit 16,000 ang nawalan ng matitirhan at 850 gusali ang gumuho kung saan 190 dito ay buung-buong bumagsak.
Nagpaabot ng pakikiramay at rebolusyonaryong pakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), National Democratic Front of the Philippines at ang buong kilusang rebolusyonaryong Pilipino sa mamamayan ng Venezuela.
Kasabay nito, binatikos ng PKP ang pagsagpang ng US sa trahedya para magpwesto ng mga tropa sa loob ng Venezuela. Noong gabi ng Hunyo 25, lumapag sa Caracas ang mga tropang Amerikano para direktang makialam sa mga operasyon ng mga sibilyan na ahensya sa bansa. Kasabay nito, ipinadala ng US Southern Command ang mga barkong pandigma na USS Fort Lauderdale at USS Billings sa karagatang sakop ng Venezuela, kasama ang mga dambuhalang transport aircraft na C-17 Globemaster at C-130 Hercules. Ang mga yunit ring ito ang sumalakay sa Caracas noong Enero 3, at dumukot sa presidente ng Venezuela na si Nicolás Maduro at asawa niyang si Cilia Flores.
Ayon sa PKP, kamuhi-muhi ang paggamit ng US sa kalamidad at “makataong mga rason” para manghimasok sa Venezuela laluna sa harap ng matagal na panahon ng nagpataw ito ng mararahas na sangsyon na puminsala sa ekonomya at pag-unlad ng bansa. Ang mga sangsyon na ito, at iba pang mapamilit na hakbang ng US, ay ginagamit para pwersahin ang gubyerno ng Venezuela na sundin ang mga dikta ni Trump.