Ika-10 kongreso ng CNL, matagumpay na nailunsad
Nagtipon ang mga kinatawan ng mga balangay at yunit ng Christians for National Liberation (CNL) noong ikalawang kwarto ng taon para idaos ang kanilang ika-10 kongreso. Dumalo dito ang mga obispo, relihiyoso at pastor, manggagawang layko at mga kinatawan ng kabataan mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Inilunsad ang kongreso sa temang “Palakasin at palawakin ang ating hanay at ibayong isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba; Palalimin ang ating integrasyon sa masa sa pagbabagsak sa burukrata-kapitalista at pasistang rehimeng US-Marcos.” Binuo nito ang bagong apat na taong plano at naghalal ng mga upisyal.
Ayon kay Renmin Malaya, ang nahalal na tagapangulo ng grupo, napapanahon ang pagtitipon sa konteksto ng kilusang pagwawasto ng buong rebolusyonaryong kilusan ng Pilipinas, at sa gitna ng umiigting na inter-imperyalistang girian at gera at ang lumalaking bitak sa pagitan ng mga lokal na naghaharing uri sa bansa.
“Tiyak na magiging malaki ang ambag ng CNL sa kasalukuyang pagsisikap na isulong ang rebolusyong Pilipino. Nasa yugto ito ngayon ng panibagong pagpapalakas, matapos dumaan sa panahon ng pag-atras at seryosong mga pinsala bunga ng panloob na mga kahinaan at pagkakamali,” mensahe ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas. Napaabot rin ng pagbati sa CNL ang mga alyadong organisasyon ng NDFP.
Sa pagtatapos ng kongreso, binigyang parangal ng CNL ang mga martir at bayani ng rebolusyong Pilipino. Partikular nitong pinarangalan si Ka Luis Jalandoni, isa sa mga nagtatag ng CNL, na namatay noong Hunyo 7, 2025. “Inspirasyon natin sila. Hindi sila naging maramot sa buhay,” pahayag ni Phillip Rebson, bagong halal na pangkalahatang kalihim ng CNL.