Ang paninibasib ng AFP-PNP sa Oriental Mindoro
Sobra na, tigilan n’yo na kami!” ito ang panawagan ng mga magsasaka at katutubong Mangyan laban sa pinaigting na operasyong militar sa timog ng Oriental Mindoro. Ayon sa Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)-Oriental Mindoro, ilang dekada nang nililigalig ng AFP-PNP ang mga komunidad, na mas tumindi pa pagpasok ng Hunyo.
Walong batalyon ng AFP ang nakadeploy sa Mindoro. Lima dito ay sa ilalim ng 203rd IBde na nakakonsentra sa mga bayan ng Roxas, Mansalay, Bulalacao, at Bongabong. Nakahimpil sila sa 17 kampo-militar. Sa tabing ng “localized peace engagement” at “Serbisyo Caravan,” hinalihaw ng nakapakat na Mobile Community Support Program ang mga bundok at komunidad sa mahigit 21 sityo sa mga bayan ng Mansalay, Bulalacao, at Roxas.
Ang pagbuhos ng pwersa ng 2nd ID sa Mindoro ay bunga ng pagdeklara sa isla bilang pambansang prayoridad ng pagdurog noong 2025. Kasabay ng pagbuhos ng tropa ang pag-igting ng paglabag sa karapatang-tao ng mga residente at katutubong Mangyan.
Abala sa buhay at kabuhayan, krimen, anti-sosyal at dekadenteng gawain ang hatid ng mga sundalo sa komunidad na kanilang pinapakatan. Kabilang dito ang pagnanakaw, pagsira ng kagamitan at pananim, sugal, pambabastos sa kababaihan, prostitusyon, panggagahasa at pang-aalila sa mga residente.
Sa Oriental Mindoro, mula 2022 hanggang sa kasalukuyan, naitala ang nasa walong kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang, 15 kaso ng iligal na pag-aresto at detensyon, 16 kaso ng pagdukot at limang kaso ng walang patumanggang pagpapaputok (pambobomba at istraping). Pinakatampok sa mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao ang serye ng sekswal na pang-aabuso ng 4th IB sa mga kababaihan sa isang komunidad sa timog Mindoro.
Sa loob ng humigit-kumulang isang taon, pitong kababaihan ang naging biktima ng panggagahasa. Dalawa sa biktima ay menor de edad, dalawa ang nabuntis at isa ang namatay makaraan ang isang linggo matapos inilabas na may lagnat sa kampo ng sundalo.
Ganansya para sa mga dayuhan at lokal na kapitalista
Ang militarisasyon sa Oriental Mindoro ay hindi lamang para supilin ang rebolusyonaryong kilusan, kundi para madulas na makapasok ang mga proyektong “pangkaunlaran” sa isla tulad ng mga malalaking imprastruktura ng mga dayuhan at lokal na korporasyon, mga batbat ng korapsyon na mga proyekto ng lokal na yunit ng gubyerno, renewable energy at pagmimina. Nagsisilbi namang tapat na asong bantay ang mga tropa ng AFP at PNP sa mga lupain at makinarya na pag-aari ng mga naghaharing-uri.
Kasalukuyang tinututulan ng mga residente ang mga operasyong mina at dredging sa Oriental Mindoro, kabilang ang Bulalacao Coal Mining Project sa barangay Cambunang, Bulalacao; planong pagmina ng langis ng Pitkin Petroleum Limited; pamimina ng armour rocks; at sand dredging project sa Balete River.
May nakaplanong 10 offshore windfarm sa isla, tatlo sa Oriental Mindoro. Kabilang sa pagtatayuan ng mga turbina ang karagatan ng Bulalacao, na bahagi ng pandaigdigang coral triangle na dapat pangalagaan dahil sa epekto sa ekosistemang pandagat.
Ang mga operasyon militar ay bahagi din ng paghahanda para sa mga operasyon ng militar ng US sa isla. May sikretong base militar ng US sa isla ng Lubang. Natuklasan din na naglunsad ng mga pulong ang US Peace Corps sa bayan ng Naujan upang ikundisyon ang mga Mindoreño sa iniuupat na gera ng US laban sa China.
Makatarungan ang paglaban
Ayon sa PKM-Mindoro, makatarungang ipaglaban ng sambayanan ang karapatan ng bansa sa pagpapasya-sa-sarili. Makatarungan ang lumahok sa digmang bayan laluna kung walang kalayaan at inaalisan ng karapatang mabuhay ang mamamayan.
Mahigpit na isinusulong ng PKM ang pambansa-demokratikong programa bilang solusyon sa malakolonyal at malapyudal na sistemang umiiral sa bansa. Tinutugunan sa programa ang kawalan ng lupa ng mga magsasaka at katutubong Mangyan, tulad ng paglansag sa malalawak na lupain at pastuhan ng mga PML mula pa noong 1980s. Naging matibay na katuwang ng masa ang Bagong Hukbong Bayan sa mga pagpapatupad ng rebolusyong agraryo. Karamihan sa mga ito ay pinakikinabangan pa ngayon ng mga magsasaka at masang Mindoreño.