Ang kahungkagan ng “kaunlaran” ng rehimeng Marcos

,

Nitong nagdaang mga araw, dalawang pahayag ng rehimeng Marcos ang muling nagpatampok sa kahungkagan at pagiging pahirap nito sa mga Pilipino. Una ang nakaiinsultong ₱85 dagdag sa arawang sahod na inilarawang “makasaysayan” ng mga upisyal ng rehimen. Pangalawa ang diumano’y pagtuntong ng Pilipinas sa katayuang “upper middle income” alinsunod sa pamantayan ng imperyalistang institusyong World Bank. Ang mga ito ay paunang pagmamayabang para sa ika-4 na state of the nation address (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr sa darating na Hulyo 27.

Saan aabot ang ₱85?

Nasa ₱504–₱510 lamang ang pambansang abereyds ng minimum na sahod. Wala pa itong kalahati sa tinatayang kailangang minimum na na sahod na ₱1,200 hanggang ₱1,312 kada araw. Kahit idagdag ang ₱85 sa sahod sa National Capital Region (NCR) na ₱695/araw, malayo pa rin ito para mabuhay nang may dangal ang isang 5-kataong pamilya. Lalong masaklap, hulugan pang ibibigay ang dagdag na arawang sahod na ₱85: ₱60 sa Hulyo 19, at ₱25 sa Enero 2027. Kung hati-hatiin sa karaniwang gastos ng mayorya ng mga pamilya ang ₱60, 64% ang maidadagdag sa pagkain, o ₱34.40 na hindi man lamang makabibili ng isang kilong bigas. Ang natitirang ₱26 ay paghahati-hatian sa transportasyon, yutilidad, at marami pang iba.

Mas mabababa ang dagdag-sahod sa mga rehiyon labas sa NCR. Sa nakaraang taon, nagbigay lamang ng baryang dagdag mula ₱20-₱39 kada araw ang mga regional wage board. Madalas ay hinati rin ang mga ito sa dalawang bigayan.

Tumanggi ang rehimeng Marcos na magbigay ng kahit kaunting dagdag sa mga manggagawa sa kabila ng pagsirit ng implasyon na umuk-ok sa tunay na halaga ng sahod. Sa buong bansa, umabot ang tantos ng implasyon sa 7.2% noong Abril mula sa 2.4% noong Pebrero. Ito ay matapos ang gerang agresyon ng US sa Iran, na sinamantala ng mga dayuhan at lokal na kumpanya para isirit ang presyo ng langis para magkamal ng supertubo.

Alinsunod sa datos mismo ng estado, nasa 65% pamilyang Pilipino ang nabubuhay nang malayo sa pamantayan ng disenteng pamumuhay. Dahil sa baba ng sahod, nasa ₱78/araw lamang ang nailalaan sa bawat myembro ng pamilya, malayong mas mababa sa ₱91/araw na itinakdang upisyal na hangganan ng kahirapan ng estado.

Across-the-board na pagtaas ng presyo

Kung gaano hinahatak ng rehimen at mga kapitalista pababa ang sahod sa buong bansa, gayon naman nila pinasisirit pataas ang mga presyo ng mga kalakal at singil sa serbisyo. Pinakaininda ng mamamayan ang pagtaas ng presyo ng langis noong Marso na hanggang ngayon ay di pa ibinabalik sa dating antas. Gamit ang gerang agresyon ng US sa Iran, halos dobleng itinaas ng mga kumpanya ng langis ang presyo ng diesel (tungong ₱107–₱134.3/litro), gayundin ng gasolina, kerosin at LPG.

Bago pa ang “oil price shock,” tuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Mula Enero hanggang Pebrero, pitong beses na itinaas ng mga kumpanya ang presyo ng langis na may netong pagtaas na ₱3.80/litro sa diesel at ₱5.40/litro sa gasolina, kahit pa ang presyo ng krudong langis sa mundo ay nanatiling mababa sa abereyds na $61.80 kada bariles.

Higit na hinila pataas ng oil price shock ang gastos sa produksyon at transportasyon, na nagdulot ng pagtaas sa presyo ng pagkain at ibang batayang pangangailangan. Lalo nitong pinalala ang dati nang matataas na presyo na dulot ng matataas na gastos sa produksyon, kabilang ang pataba, walang sagkang importasyon ng mahal na bigas at kawalang suporta sa lokal na agrikultura. Sa NCR, umabot ang presyo ng bigas tungong ₱56/kilo noong Hunyo habang sa ibang lugar tulad ng Zamboanga, ay umabot sa ₱64/kilo.

Ininda na ng mamamayan ang mataas na singil sa kuryente at tubig. Itinaas ng Meralco ang singil nito sa NCR at kalapit na mga prubinsya mula ₱13/kWh (Enero) tungong higit ₱14/kWh (Hunyo). Nagtaasan rin ng singil ang malalaking distribyutor ng kuryente sa Visayas (sa Cebu ay nadagdagan ng ₱1.83, at sa Iloilo, ₱2.33 kada kilowatt). Sa Davao, Enero itinaas ang singil nang ₱2/kWh. Samantala, ipinatupad ng mga kumpanya sa tubig sa NCR, Cebu at Davao ang matatarik na pagtaas sa singil sa serbisyo. Ito ay habang iniinda ng mga konsyumer ang palpak na serbisyo ng mga pribadong kumpanya sa yutilidad.

Walang pag-unlad

Walang silbi ang katayuang “upper-middle-income” na basbas ng World Bank. Hindi ito pamantayan ng pag-unlad kundi nagtatakda lamang ng katayuan ng bansa para makapangutang. Taliwas sa ipinagmamayabang ng rehimen, pababa ang padron ng paglago ng lokal na ekonomya at hindi ito nakalilikha ng sapat na trabaho para sa mamamayan.

Hindi naabot ng rehimen kahit ang sariling itinakdang target na paglago ng gross domestic product (GDP). Para sa 2025, lumago lamang ang GDP ng bansa nang 4.4%, at 2.8% lamang para sa unang kwarto ng 2026. Sa nakaraang taon, naitala ang pinakamaliit na paglago ng pagmamanupaktura sa nakaraang mga dekada na umabot lamang sa 2.5%. Lumago naman ang agrikultura nang 2.6% lamang.

Sa kabilang banda, lumaki ang yaman ng mga korporasyon at burgesya kumprador. Mula 2020 hanggang 2022, tumaas nang 104% ang netong kita ng pinakamalalaking korporasyon. Tumaas din nang 31% ang yaman ng 50 pinakamayayamang Pilipino. Ito ay habang pinananatili nilang mababa at di nakabubuhay ang sahod ng mga Pilipino.

Ang kahungkagan ng “kaunlaran” ng rehimeng Marcos