Isang taon ng kontra-korapsyong buladas ni Marcos

,

Hindi nalinlang ni Ferdinand Marcos Jr ang taumbayan sa pakana at palabas na kampanyang kontra-korapsyon ng kanyang rehimen mula nang ideklara ito noong Hulyo 2025. Batid ng bayan na hungkag ang mga kataga niyang “Mahiya naman kayo!” dahil nakatuon lamang ito sa mga katunggali sa pulitika habang hindi pinananagot ang kanyang sarili, mga alipures at kaalyado. Paghahanda rin ito ni Marcos sa darating na eleksyong 2028 na layuning ietsapwera ang mga kalaban, umani ng dagdag na mga kapanalig at magkamal ng karagdagang kurakot at kikbak para sa kanyang mga kandidato.

Hindi maikakaila na si Marcos ang hari ng korapsyon, utak, at pinakamalaking buwaya sa malawakang korapsyon sa gubyerno. Kasabay ng pagkopo ng bagong kurakot, nagawa rin niyang lubos na maibalik ang mahigit ₱300 bilyong nakaw na yaman ng kanyang pamilya na kinumpiska ng estado sa nakaraan.

Ang daloy ng kurakot

Mula 2022 hanggang 2025, naglaan si Marcos ng ₱545 bilyon para sa mga proyektong flood control na naging sentro ng iskandalo ng kurakot. Nabunyag din na kinukuha niya ang pondo mula sa unprogrammed appropriations (UA) sa badyet para sa mga ito. Ngayong 2026, sa kabila ng pagkakalantad sa korapsyon ay naglaan pa rin siya ng ₱274.9 bilyon para sa mga katulad na proyekto.

Muling kumopo si Marcos ngayong 2026 ng ₱4.6 bilyon na confidential and intelligence fund. Napanatili niya ang pork barrel na ₱243.4 bilyon para sa UA. Naglaan rin siya ng ₱1 bilyon para sa kanyang mga byahe sa labas ng bansa, kasama ang kanyang pamilya at mga alipures.

Kumukubra rin si Marcos sa sistema ng pork barrel fund sa anyo ng mga “allocable” na halagang mapupunta sa bawat kongresistang pandistrito. Ito ang tinatawag na Baselined-Balanced-Managed (BBM) Parametric Formula ng DPWH. Nakalakip ito sa National Expenditure Program ng pangulo sa ilalim ng badyet ng DPWH na babasbasan ng pangulo. Sa imbestigasyon ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), lumabas na si Rep. Sandro Marcos, anak ng pangulo, ang may pinakamalaking allocable (₱15.79 bilyon) noong 2023-2025. Pumapangalawa sa kanya ang kanyang tiyuhin na si Rep. Martin Romualdez na nakakopo ng ₱14.43 bilyon.

Inilantad rin ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Elizalde Co, dating pinuno ng House Appropriations Committee, ang iba pang iskema ng mga Marcos sa pangungurakot. Kabilang dito ang tahasang pag-uutos ni Marcos at kanyang mga kaanak na magsingit ng pondo para sa kikbak sa pambansang badyet. Aniya, siya mismo ang naghahatid ng male-maletang pera sa mga Marcos at kay Romualdez. Inilantad rin niyang sangkot ang asawa ni Marcos na si Liza Araneta-Marcos sa malawakang ismagling ng bigas, isda at gulay.

Para isanggalang ang sarili sa akusasyon ng korapsyon at idirehe ang direksyon ng imbestigasyon, binuo ni Marcos ang Independent Commission for Infrastructure. Pinakilos rin niya ang mga kongresista para agarang ibasura ang reklamong impeachment na isinampa sa kanya noong Enero.

Tatlo ang batayan sa reklamong pagtataksil sa tiwala ng bayan: 1) pagiging mastermind sa sistematikong korapsyon sa loob ng gubyerno (sa formula ng “allocables” o BBM Parametric Formula, 2) pag-abuso sa unprogrammed funds, at 3) direktang pagkakasangkot sa kaliwa’t kanang insertion at sistema ng kikbak.

Hanggang sa kasalukuyan, iilang maliliit na personalidad pa lamang ang ipinakukulong sa kasong pandarambong at korapsyon na pawang mga kalaban sa pulitika ng mga Marcos. Target rin ni Marcos ngayon ang reyna ng korapsyon na si Vice President Sara Duterte. Samantalang si Co, na maraming akusasyon sa mga Marcos, ay sadyang pinatatakas ng rehimen.

Nalantad rin sa nagdaang taon ang pagpanig kay Marcos ng ilang mga nagpapakilalang progresibong grupo tulad ng Akbayan Partylist. Aktibong isinasanggalang ng grupo si Marcos mula sa pananagutan at paniningil ng bayan.

Nag-uumapaw ang galit ng bayan

Magkakasunod na protesta ang inilunsad ng iba’t ibang sektor para panagutin si Marcos, si Vice President Duterte at lahat ng mga sangkot sa korapsyon. Pinakamalalaki sa mga protesta ang Baha sa Luneta noong Setyembre 21, 2025 kung saan lumahok ang 100,000 katao, at noong Nobyembre 30, 2025 na nilahukan ng mahigit 20,000. Kapwa ito pinangunahan ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot.

Ikinasa rin ang mga militanteng pagkilos katulad sa upisina sa Pasig City ng St. Gerrard Construction, pag-aari ng mga Discaya, na isa sa mga kontratistang imbwelto sa korapsyon. Lumaganap ang mga pakilos na Black Friday Protest sa Metro Manila at iba pang prubinsya kung saan sinugod sa ilang pagkakataon ang upisina ng DPWH at ICI. Inilunsad rin ang mga protesta para itulak ang impeachment nina Marcos at Duterte.

Sumiklab ang kilusang walkout ng mga kabataang estudyante sa mga unibersidad at kampus noong Setyembre hanggang Oktubre ng 2025. Sa kabuuan, tinatayang higit 40,000 estudyante at kabataan sa buong bansa ang lumahok dito. Sa paanan ng Mendiola, higit 5,000 kabataan at estudyante ang nagmartsa noong Oktubre 17, 2025 sa panawagang “Marcos-Duterte, Alisin! Bulok na sistema, baguhin!”

Sa pagpasok ng 2026, patuloy na naningil ang taumbayan sa lahat ng sangkot sa korapsyon. Mahigit 12,000 ang nagrali sa ika-40 anibersaryo ng Pag-aalsang EDSA noong Pebrero 25. Noong Hunyo 28, muling pinasisigla ang kilusang kontra-korapsyon sa pagsama-sama ng ilang libong katao mula sa iba’t ibang pananampalataya at demokratikong organisasyon sa martsa para sa katotohanan, pananagutan at hustisya sa EDSA People Power Monument sa pangunguna ng White Ribbon Movement.

Isang taon ng kontra-korapsyong buladas ni Marcos