Karahasan sa eskwelahan sa Tacloban, bunga ng bulok na sistema
Nagpaabot ng pakikiramay ang Special Office for the Protection of Children (SOPC) ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), sa mga pamilya, kamag-anak, kaklase, guro, at mga komunidad na naapektuhan ng trahedya ng pamamaril sa paaralan sa Tacloban City noong Hunyo 22. Anito, hindi lamang ito trahedya ng mga indibidwal kundi isang sintomas ng isang nabubulok na sistema.
Inilalantad ng pamamaril sa paaralan sa Tacloban ang marahas at mapanirang katangian ng lipunang Pilipino na humuhubog sa buhay ng mga batang Pilipino, ayon sa SOPC. Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, naging normal ang kultura ng karahasan at kawalang pananagutan. Bawat araw, saksi ang mga bata sa matinding kahirapan, pasismo ng estado, korapsyon, at kawalan ng tunay na oportunidad para sa kanilang kinabukasan. Sa ganitong kalagayan, nagiging bahagi ng kamalayan ng bata ang karahasan.
Tinutulan ng SOPC ang mga pagtatangka ng reaksyunaryong gubyerno na gamitin ang trahedya upang isulong ang mga kontra-batang patakaran. Anito, maling gamiting dahilan ang trahedyang ito para ibaba ang minimum age of criminal responsibility. Ang mga ganitong panukala ay hindi tumutugon sa ugat ng karahasan at pilit lamang na ibinabaling ang sisi sa mismong mga bata. Ang tunay na isyu ay ang paglalansag sa kultura ng kawalang pananagutan na pinananatili ng naghaharing uri, at hindi ang mas mabigat na pagpaparusa sa mga bata.
Ibinahagi ng NDFP na sa mga rebolusyonaryong erya, aktibong nagpapatupad ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika (gubyerno ng mamamayan) ng mga programa para sa kapakanan ng bata. Kabilang dito ang mga kampanyang literasiya at edukasyong nakatuntong sa kalagayan ng kanilang mga komunidad. Layunin ng mga ito na hubugin ang mga bata bilang mga responsableng kasapi ng lipunan na may mataas na kamalayang panlipunan.
Pundamental sa pananaw ng NDFP ang pagkilala na umuunlad ang mga bata kapag may kapangyarihan ang kanilang mga pamilya at komunidad, anito. Ang kawalan ng lupa, kawalan ng trabaho, mababang sahod, sapilitang migrasyon, at kawalan ng mga serbisyong panlipunan ay sumisira sa kapakanan ng mga bata. Sa gayon, ang tunay na proteksyon sa bata ay hindi maihihiwalay sa pakikibaka para sa reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, soberanya sa ekonomya, at mga demokratikong karapatan.