Mga protesta

,

CLSU, nag-walkout kontra panunupil. Mahigit 200 estudyante ng Central Luzon State University sa Nueva Ecija ang nag-walkout sa klase noong Hunyo 22 para kundenahin ang pagsupil sa kanilang demokratikong karapatan, Red-tagging at panggigipit ng estado sa mga lider-estudyante ng unibersidad. Nanindigan sila laban sa tangkang pagpapatahimik ng administrasyon at ng mga pwersa ng estado.

Justice for Negros 19 Network, binuo. Nagtipon ang mga kaanak, kaibigan, at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao sa UP Diliman sa Quezon City noong Hunyo 24 para itatag ang Justice for Negros 19 Network. Ipagpapatuloy nito ang kampanya para sa katotohanan, pananagutan at hustisya para sa Negros 19 na minasaker ng AFP noong Abril 19 sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental.

Pride Protest, inilunsad ng mga grupong LGBTQ+. Nagtipon ang iba’t ibang grupo at alyado ng mga LGBTQ+ sa Liwasang Bonifacio sa Maynila noong Hunyo 26 para gunitain ang taunang Stonewall Philipines Gay Pride. Idiniin ng mga raliyista ang militanteng tradisyon ng Pride at kinundena ang lumalalang kalagayan ng mamamayan sa gitna ng krisis sa ekonomya at patuloy na imperyalistang interbensyon ng US sa Pilipinas. Naglunsad din ng militanteng protestang Pride sa Baguio City, Laguna, Batangas at Tacloban City.

Marcos, sinalubong ng rali sa Canada. Daan-daang myembro ng mga progresibong grupo ang kabi-kabilang nagprotesta para batikusin si Ferdinand Marcos Jr sa pagbisita sa Canada noong Hulyo 1-4. Nagtungong Canada si Marcos para makipagpulong kina Prime Minister Mark Carney at mga negosyante sa bansa. Napagkasunduan dito ang pagpapalawak sa kooperasyong militar, pamumuhunan sa pagmimina ng mga ginto at kritikal na mineral at pagbebenta sa murang lakas-paggawa ng mga Pilipino.

Mga protesta