Pagbayarin ang US-Zionistang Israel sa henosidyo sa mamamayang Palestinian
Dapat lubos na batikusin ang isinasagawang gerang henosidyo ng US-Israel laban sa mamamayang Palestinian. Sa nagdaang dalawang linggo, lalong pinasidhi ang gerang ito sa anyo ng walang-habas na pambobomba sa Gaza sa tangkang pulbusin ito at palayasin ang mga naninirahan doon.
Dinala ng estado ng Israel sa panibagong antas ng kabuktutan ang ilang dekada nang henosidyo para ganap na palayasin ang mga Palestinian mula sa kanilang lupang tinubuan.
Ilanlibong bomba ang inihulog sa Gaza, isang parsela ng lupa na may pinakamakapal na populasyon sa buong mundo. Walang pagtatanging inasinta ng pambobomba ang populasyon at imprastrukturang sibilyan, kabilang ang mga bahay at apartment, mga paaralan, ospital, simbahan, at pasilidad pangkalusugan, mga gusaling komersyal at mga tanggapan ng negosyo at midya. Winasak ng pambobomba ang mga imprastruktura para sa tubig at kuryente at ginigipit ang suplay ng pagkain at langis.
Sa loob ng dalawang linggo, hindi bababa sa 4,100 Palestinian sa Gaza ang nasawi, kabilang ang mahigit 1,400 bata, habang mahigit milyon ang nawalan ng tirahan at dumaranas ng gutom at pangamba. Pinakakahindik-hindik ang pagmasaker sa mahigit 600 Palestinian sa ginawang pambobomba ng Israel sa isang ospital sa hilagang bahagi ng Gaza kung saan libu-libo ang nakasukob at nagpapagamot.
Mahigit dalawang milyong Palestinian ang nagsisiksikan sa Gaza, isang maliit na sulok ng lupa sa silangang baybayin ng Mediterranean Sea. Pinalibutan ito ng Israel ng matataas na bakod, at lahat ng paglabas-masok dito ay kontrolado ng Israel Defense Force. Humigit-kumulang tatlong milyong Palestinian naman ang naninirahan sa mga komunidad sa West Bank, isang teritoryong nasa kontrol ng mga pwersa ng Israel, katuwang ang Palestinian Authority na itinayo sa bisa ng mga kasunduang itinulak ng US.
Ang walang pakundangang pambobomba sa Gaza ay nagpapaalala sa malupit na kasaysayan ng pang-aapi na dinanas ng mga Palestinian. Ang lupa ng Palestine ay sinaklot ng kolonyal na kapangyarihan ng United Kingdom noong 1917. Mula idineklara ng UK noong taong iyon ang planong magtayo ng “bansa ng mga Hudyo” sa lupa ng Palestine, wala nang hinto ang dinanas na pang-aapi at pagpapalayas ng mga Palestinian. Isinagawa ito sa ngalan ng Zionismo, ang upisyal na ideolohiya ng estado ng Israel, na nakatuon sa pagpuksa sa mamamayang Palestinian. Rumurok ang pang-aaping ito noong 1948 sa tinawag na Al Nakba o Ang Sakuna.
Dapat ubos-kayang tuligsain ang imperyalismong US sa tahasang pagsuporta nito sa henosidyong isinasagawa ng gubyernong Israel. Ipinagtatanggol pa ng US sa malalalang krimen at paglapastangan ng Israel sa internasyunal na makataong batas. Plano pa ng gubyernong US na bigyan ng $10 bilyon ang Zionistang Israel, mas malaki kaysa taunang $7 bilyong ibinibigay nitong ayudang militar, na pinakamalaki sa buong mundo, kapalit ng pagsisilbing balwarte ng imperyalismong US sa Middle East.
Bilang mamamayang dumanas ng kolonyal na pananakop at pang-aapi sa loob ng ilandaang taon, lubos na nababatid ng sambayanang Pilipino ang dinaranas ng mamamayang Palestinian at ang hangarin nila para ibalik ang tunay na kalayaan sa kanilang lupang tinubuan.
Ang pakikibaka ng mamamayang Palestinian at sambayanang Pilipino ay binubuklod rin ng paglaban sa komun na kaaway—ang imperyalismong US, ang kapangyarihan sa likod ng kapwa dinaranas na kabuktutan at kaapihan. Nakasandal sa US at sunud-sunuran sa among imperyalista kapwa ang estado ng Israel na umaapi sa mga Palestinian, at ang reaksyunaryong estado sa Pilipinas na umaapi sa sambayanang Pilipino.
Nakapadron sa walang-habas na pambobomba ng US sa Afghanistan at Syria “laban sa mga terorista” ang ginagawang pambobomba ngayon ng Israel sa syudad ng Gaza. Sa ganoon din nakapadron ang ginawang pagpulbos sa Marawi noong 2017, at ang walang pakundangang pambobomba ngayon ng AFP sa iba’t ibang bahagi ng kanayunan ng Pilipinas. Ang mga kumpanyang militar mula sa US at Israel ang tagapagsuplay ng mga eroplano, bomba, drone at iba pang kagamitan ng AFP sa ginagawang pambobomba at armadong panunupil sa tabing ng “kontra-insurhensya.”
Ang mga armadong opensibang pinasimunuan ng grupong Hamas noong Oktubre 7 sa Gaza laban sa mga pwersang militar ng Israel ay muling pagsiklab ng galit ng mamamayang Palestinian sa dinaranas nilang walang habas na pang-aapi at panggigipit sa ilalim ng Zionistang estadong Israel.
Ang armadong paglaban ng mga Palestinian ay tinawang na “terorismo” ng Israel at ng US (pati na ng gubyerno ni Marcos), katulad na kinukundena ng mga imperyalista ang lahat ng armadong rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas, India, Turkey at iba pang bansa. Subalit katulad ng ipinakikita sa henosidyo laban sa mamamayang Palestinian, ang tunay na terorista ay ang estado ng Israel, na may lubos na suporta ng imperyalismong US, ang numero unong terorista sa buong mundo. Terorismo ng estado rin ang dinaranas ng sambayanang Pilipino, sa sadyang pag-asinta ng mga armadong pwersa ng estado sa mga hindi armadong mamamayan para takutin sila at supilin ang kanilang paglaban.
Sa harap ng dinaranas na pambansang pang-aapi ng mamamayang Palestinian at sambayanang Pilipino, kapwa sila may angking karapatang humawak ng sandata at bagtasin ang landas ng armadong paglaban. Ang kasaysayan ng pakikibaka ng mamamayang Palestinian, katulad ng kasaysayan ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan, ay kasaysayan ng armadong paglaban. Inilulunsad nila ang digma ng isang maliit at mahinang pwersa, laban sa isang malaki at makapangyarihang pwersa. Kapwa ito mga digma ng bayan na makatwiran at makatarungan, sinusuportahan ng malawak na demokratikong pwersa ng mamamayan, at tiyak na magkakamit ng tagumpay.
___