Maruming gera sa India: 15 buwang pananalasa ng Operation Kagaar
Walang-tigil ang pasistang paninibasib ng rehimeng Narendra Modi ng India laban sa mamamayang Adivasi, mga pwersang demokratiko, at rebolusyonaryong grupo sa ngalan ng Operation Kagaar. Nasa ika-15 buwan na ang brutal na operasyong kontra-insurhensya na kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 400 sibilyan, karamihan mga Adivasi o katutubong mamamayan at mga rebolusyonaryo.
Sa mga ulat, 287 ang pinaslang noong 2024 at nasa 113 na ngayong 2025. Sangkatlo (1/3) sa mga biktima ay mga katutubong Adivasi habang 40% ay kababaihan. Marami sa mga kaso ng pagpaslang ay pinalalabas na mga “engkwentro” ng armadong pwersa ng reaksyunaryong estado ng India sa People’s Liberation Guerilla Army (PLGA) ng Communist Party of India (Maoist).
Hindi ligtas ang mga sanggol at bata sa maruming gera ng rehimeng Modi. Noong 2024, 14 na mga batang edad 14-anyos pababa ang pinaslang, kabilang ang isang 6-buwang sanggol.
Sinimulan ang Operation Kagaar noong Enero 2024 sa Abujhmaad, isang mabundok at magubat na rehiyon sa timog ng estado ng Chhattisgarh na nasa sentral na India. Pinakamatindi ang operasyon sa pitong distrito ng Bastar. Tinarget nito ang mga Adivasi na lumalaban sa panghihimasok ng mga korporasyong multinasyunal sa lupang ninuno.
Sa 15 buwan, hindi bababa sa 13 malalaking operasyong militar ang isinagawa sa Bastar, gamit ang hindi bababa sa 1,000 pwersa sa kada operasyon. Daan-daang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao ang naitala sa panahong iyon. Dahil dito, binansagan ang lugar bilang “Bastar Killing Fields.”
May 300 kampo militar sa Bastar kung saan tinatayang 50 ang itinayo sa panahon ng Operation Kagaar. Sa saklaw ng Abujhmaad, mayroong siyam na kampo militar. Sa dami ng mga ito, mayroong kampo sa kada 2-3 kilometro. Ang mga ito ang nagsisilbing sentro ng operasyong kontra-insurhensya sa mga liblib na lugar. Mayroong isang pwersa ng estado sa kada siyam na sibilyan sa Bastar.
Para tuligsain ang terorismo ng estado, nagtipon ang mga grupo sa Delhi sa pangunguna ng Forum Against Corporatization and Militarization (FACAM) noong Marso 26. Ayon kay Prof. Saroj Giri ng FACAM, sadyang tumitindi ang pasistang atake ng Brahmanical Hindutva pasistang rehimeng Modi sa Bastar dahil sa organisadong paglaban ng mga Adivasi at magsasaka. Sinasagkaan ng kanilang pakikibaka ang pandarambong ng malalaking korporasyon sa rehiyon.
Ang gera sa mga Adivasi at ang Operation Kagaar ay bahagi ng kabuuang pagpapatindi ng pasismo ng estado ng India sa ilalim ng Surajkund Scheme (2022). Pinapaypayan nito ang panatisismong pangrelihiyon para sa pasistang panunupil. Ginagamit nito ang tabing ng “Vision 2047 for Viksit Bharat” para magbuo ng “Hindu Rashtra” o bansang Hindu.
Panawagan para sa kapayapaan
Sa harap ng mga pag-atake, nagtipon ang mga demokratikong sektor sa Hyderabad, Telengana noong huling linggo ng Marso para ipanawagan sa estado ni Modi na makipag-usapang pangkapayapaan sa CPI (Maoist). Ilang araw matapos nito, tumugon ang CPI (Maoist) at nagpahayag ng kahandaang pumaloob sa usapan.
Sa pamamagitan ni Kasamang Abhay, tagapagsalita ng partido, inilatag ng CPI (Maoist) ang apat na mga kundisyon para sa negosasyon. Nag-alok din ang partido ng tigil-putukan kung positibong tutugon ang rehimeng Modi sa panawagan para sa usapang pangkapayapaan.
Una, iginigiit nito ang pagtigil sa Operation Kagaar na pumapatay sa mga sibilyan. Ikalawa, ipinatitigil nnito ang pagtatayo ng mga bagong kampo militar at manatili sa umiiral na mga kampo ang mga sundalo. Ikatlo, itigil ng estado ang paglalabas ng bagong mga Memorandum of Understanding o permit sa mga korporasyon para makapandambong sa kalikasan. At ikaapat, palayain ang lahat ng mga bilanggong pulitikal na inaresto dahil sa paglaban sa korporatisasyon at militarisasyon.
Sinuportahan ng iba’t ibang demokratikong organisasyon ang kahandaan ng CPI (Maoist) na pumasok sa usapang pangkapayapaan sa ngalan ng kagalingan ng mamamayang Indian. Ngunit tulad ng inaasahan, tahasan itong kinontra ng reaksyunaryong estado. Anito, makikipag-usap lamang sila sa partido kung magpapahayag ito ng pagsuko.
Sa harap nito, determinado ang CPI (Maoist) at PLGA na ipagpatuloy ang kanilang armadong pakikibaka hanggang hindi natutugunan ang batayang mga suliranin ng mamamayang Indian.