Koresponsal Pagkalubog sa utang ng kababaihang magsasaka sa Cagayan Valley
Tinaguriang corn capital ang Cagayan Valley, partikular ang lalawigan ng Isabela, dahil sa laki ng ambag nito sa produksyon ng mais sa buong bansa. Pumapangalawa din ito sa produksyon ng palay. Sa kabila ng kasaganahang ito, sadlak sa kahirapan ang malawak na masa ng magsasaka sa rehiyon. Maliban sa pangunahing problema na kawalan at kakulangan ng lupang sinasaka, napakamahal na farm input, kawalan ng subsidyo at pambabarat sa kanilang mga produkto, lubog at hindi sila makahulagpos sa dambuhalang utang.
Isa dito ang magsasakang si Jinky, taga-Isabela, na may utang na ₱55,000 sa tatlong institusyong microlending. Nagbabayad siya ng ₱3,300 kada linggo.
“Hanggat may pinapaaral, kailangan mangutang. Hindi sapat ang araw-araw na kita upang tugunan ang mga batayang pangangailangan ng pamilya,” kwento niya. Umaabot ng ₱25,000 ang buwanang gastos ng kanyang pamilya. Saklaw dito ang gastos sa edukasyon, kuryente, pagkain, pangkalusugan at kalinisan. Malayong-malayo ito sa ₱8,000 buwanang kita ng kanyang pamilya. Para makaagapay, una siyang nangutang sa bangko para ipampuhunan sa isang sari-sari store. Ngunit nalugi ito sa pananalanta ng El Niño dahil wala ring kakayahang bumili at magbayad ang mga magsasaka sa kanyang munting tindahan.
“Dahil sa kakulangan ng badyet para sa mga pangangailangan, hindi pa kasama ang pambayad sa utang, kinakailangang mangutang ulit para may ipambayad sa naunang utang at panggastos sa araw-araw,” dagdag niya.
Ganito rin ang karanasan ng magsasaka sa mais na si Alice na taga-Alcala sa Cagayan. Wala pang isang ektarya ang sinasaka ng kanyang pamilya kaya kulang na kulang ang kanilang kinikita. May kabuuang ₱80,800 siyang utang sa trader, educational assistance ng nag-aaral na anak, at sa dalawang microlending. Umaabot sa ₱23,000 buwang gastusin ng pamilya. Pabigat sa isip ni Alice kung papaano niya ito mababayaran sa kakarampot na ₱6,000 kita kada buwan.
Si Niña naman na taga-Amulung ay baon rin sa utang kahit sa isang pautangan lamang siya may utang. Nasa ₱6,800 lamang ang utang niya pero hindi niya kayang banatin ang ₱11,000 buwanan niyang kita para mabayaran ito. Kulang na kulang ito sa buwanang gastusin ng kanyang pamilya na umaabot ng ₱25,000.
Daan-daang mga magsasaka ang umuutang upang tustusan ang araw-araw nilang pangangailangan. Maaaring umabot sa apat na institusyon ang sabay-sabay nilang inuutangan para makabayad sa nauna nilang mga utang. Sa Cagayan Valley, anim ang malalaking institusyong micro-finance at lending: ang ASA Foundation, Center for Agriculture and Rural Development (CARD) Inc., KMBI-KASAPI Micro-finance, Kaagapay, Life Bank Micro-finance at ASKI. Dagdag sa mga ito ang maraming maliliit na pautangan na naglipana sa mga prubinsya. Halimbawa sa Isabela na mayroong 32 institusyong microlending. Nasa 15%-22% ang karaniwang interes na ipinapataw ng mga ito, na binabayaran sa loob ng 20-23 linggo.
Bahagi ang mga institusyong microlending sa imprastruktura ng usura sa kanayunan. Umiiral ang mga ito kasabay ng tradisyunal na usura na pinatatakbo ng mga panginoong maylupa at komersyante. Pinagsasamantalahan ng mga ito ang mga magsasaka sa anyo ng matataas na interes at mapanlinlang na mga kundisyon sa pautang. Madalas humahantong sa pagkaremata ng kanilang mga lupa o ari-arian, oras na nagmintis sila sa bayad.
Sa datos ng estado noong 2022, nag-oopereyt ang mga institusyong microlending sa 4,265 barangay sa buong bansa. Bagamat relatibong mas makitid ang saklaw, malawak pa rin ang naidudulot nitong pagkalugi at pinsala. Nananatiling mga tradisyunal na usurero ang inuutangan sa kanayunan. May mga pautang ang mga ito sa 47.6% o 20,020 sa 42,020 barangay sa buong bansa.
Nakapaloob ang microlending sa mas masaklaw na programang microfinance na idinekaralang “mayor na programa para labanan ang kahirapan” noong 2000. Itinulak ito pangunahin ng mga imperyalistang insitusyon tulad ng World Bank at Asian Development Bank na nagbuhos ng milyun-milyong dolyar na ipinauutang sa pamamagitan ng mga “development partner” nito. Ang CARD Inc, halimbawa, ay tumanggap ng ₱4 bilyong pondo mula sa ADB noong 2022 para higit pang “palawakin” ang programa sa pautang sa mahihirap na magsasaka.
Noong 2018, mahigit $3.5 bilyon ang ipinautang sa microlending ng mga bangko, kooperatiba, at institusyon para sa 5.7 milyong mga nangungutang. Siyamnapung porsyento ng mga mangungutang ay kababaihan, kung saan dalawang-katlo sa kanila ay nasa kanayunan. Pagsapit ng 2022, nagkakahalaga na ng $7.3 bilyon ang industriya na ito ng usura. Tinatayang lalo pang lalaganap ang microlending sa paglaganap ng mga digital (o sa pamamagitan ng internet) na pamamaraan ng pagpapautang.
Sa kadulu-duluhan, nagsisilbing dagdag na pahirap ang microlending na nagpapako sa mayorya ng magsasaka sa pamalagiang siklo ng pagkalugi at kahirapan. Lumalaganap ito dulot ng sa kawalan ng subsidyo at serbisyo ng reaksyunaryong gubyerno sa agrikultura at sadyang pagpapakain ng mga magsasaka sa mga ganid na usurero at imperyalistang institusyon.