Panganib at perwisyo
Bago pa magbukas ang Balikatan sa katapusan ng Abril, nagsagawa na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng mga “clearing operation” sa mga sibilyang komunidad bilang paghahanda sa pagdating ng mga tropang Amerikano. Sa Central Luzon, sinaklaw nito ang mga komunidad ng magsasaka sa sa Aurora, Bulacan at Nueva Ecija para bigyan-daan ang Combined Joint Logistics Over-the-Shore (CJSLOTS) ng US na ginanap noong Abril 9.
Ayon sa ulat ng mga residente sa Aurora, nakadaong mula pa noong Abril 16 ang dalawang barkong ginamit sa CJSLOTS sa Barangay Paltik, Dingalan. Patuloy rin ang clearing operations ng AFP, kasama ang mga sundalong Amerikano, mula Barangay Umiray, Dingalan hanggang sa General Tiño sa Nueva Ecija at Bulacan. Anila, lampas isang buwan nang hindi sila makapaghanapbuhay dahil pinagbabawalan silang pumunta sa kanilang mga kaingin at lugar pangalapan ng pagkain. Nagdulot naman ng pangamba ang mga sundalong Amerikano nang bigla silang pumasok sa Sityo Singawan sa Barangay Umiray. Sa Bulacan, napansin ng mga residente na may mga Amerikano sa Camp Tecson sa bayan ng San Miguel.
Perwisyo at ligalig din ang dala sa mga residente ng Casambalangan, Sta. Ana sa Cagayan ng sunud-sunod na ang pagdating ng mga Amerikanong sasakyan at gamit pandigma. Nagambala ang kanilang komunidad, laluna sa paglipad ng mga pang-atakeng helikopter. Ginamit ng mga tropang Amerikano ang Port Irene sa naturang bayan para ibaba ang mga sasakyang gagamitin sa amphibious exercises nito sa Mayo.
Nanganganib na mawalan ng kabuhayan ang mga mangingisda dulot ng pagdedeklara ng “no sail zone” sa mga bayan malapit sa baybay, tulad ng ginawa noong Balikatan 2024. Gayundin, mabubulabog ang kabuhayan ng mga magsasaka sa mga bundok at gubat sa aerial exercises. Dagdag ang mga ito sa walang puknat na panghalihaw ng mga pwersa ng 5th ID sa mabubundok na parte ng prubinsya. Maliban sa abala at pagkasira ng kabuhayan, matindi ang idudulot na takot at troma ng mga sundalo, laluna sa mga kababaihan, bata at matatanda. Sa paghahatid pa lamang ng mga kagamitan at pwersa sa himpapawid ay binabalot na ng pangamba at kaba ang mamamayang Cagayanon, laluna pa ang binabalak na isagawang live fire exercises sa rehiyon.