Sine Proletaryo at Armas-ST, naglabas ng bagong bidyo-serye at album

,

Magkasunod na inilabas ng Sine Proletaryo at Artista at Manunulat ng Sambayanan (Armas)-Southern Tagalog ang isang bagong serye at album nitong Abril. Tinalakay sa mga ito ang buhay ng mga rebolusyonaryo at kanilang puspusang pagsisikap para itaguyod ang kilusang pagwawasto.

Noong Abril 8, inilunsad ng Sine Proletaryo ang pinakabagong bidyo serye nito na “Buhay Gerilya” kung saan ipinasisilip ang buhay at pakikibaka ng mga rebolusyonaryong mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at mga myembro ng rebolusyonaryong organisasyon. Layunin ng serye na ipakita ang pagtalima sa rebolusyonaryong mga prinsipyo, mga pagsubok sa rebolusyon, at araw-araw na karanasan sa pagpapanday ng isang bagong lipunan.

Unang kinapanayam ng Sine Proletaryo, sa pakikipagtulungan sa Upisina ng Tagapagsalita ng Melito Glor Command, si Comrade Kathryn, upisyal sa pulitika ng BHB-Southern Tagalog. Hinikayat ng Sine Proletaryo ang iba pang mga yunit ng BHB at mga organisasyong masa na magpadala ng kanilang mga bidyo at panayam na itatampok sa serye.

Noong Abril 11, inilabas ng Armas-ST ang album na Ampatin (2025) na nagtampok sa walong awit, isang instrumental at isang minus 1. Ang mga pyesa rito ay sumasalamin sa inspirasyong hatid ng kasalukuyang kilusang pagwawasto na inilulunsad ng Partido.

Sa kabila ng matinding atake ng estado, nailabas ang album sa pagtutulungan ng gerilyang produksyon sa sonang gerilya at lungsod. Hinikayat ng grupo ang lahat na ipalaganap ang mga awitin sa album. “Aralin, itanghal, patugtugin sa mga pagtitipon at iba pang katulad na aktibidad. Ipalaganap din ang kopyang digital sa lahat ng posibleng daluyan,” anito.

Mada-download ang bidyo at album sa website ng PRWC (www.philippinerevolution.nu).

Sine Proletaryo at Armas-ST, naglabas ng bagong bidyo-serye at album