Balikatan 2025: Panibagong pagpapatindi ng interbensyong militar ng US

,

Sa Araw ng Kagitingan noong Abril 9, nagprotesta malapit sa embahada ng US sa Maynila ang mga grupong pambansa-demokratiko. Ginunita nila ang paglaban ng sambayanang Pilipino sa dayuhang interbensyong militar at pagtatanggol sa tunay na kalayaan ng Pilipinas. Kinundena nila ang mapang-upat na war games ng US, permanenteng pagbabase ng tropa nito sa Pilipinas at umiigting na panghihimasok at pakikialam nito sa bansa.

Sa kasalukuyan, naglipana ang mga tropang Amerikano sa iba’t ibang bahagi ng bansa para sa sunud-sunod ng war games na umiinog sa taunang Balikatan. Kabilang dito ang Combined Joint Logistics Over-the-Shore (Aurora), Command-and-Control Exercise (Quezon City), Multilateral Maritime Exercise (South China Sea), Salaknib (Nueva Ecija), Cope Thunder (Pampanga) at Marex (Cotabato City). Dagdag sa mga ito ang mga pakitang-taong operasyong sibil-militar, tulad ng mga serbisyong dental ng US Navy, sa mga sibilyang komunidad sa Palawan at Mindanao.

Tampok sa Balikatan ngayong taon ang paggamit ng mga NMESIS (Navy Marine Expeditionary Ship Interdiction System) na ipinasok sa bansa noong Abril 17, kasabay ang mga katuwang nitong unmanned surface vehicles. Inilipad ang unang bats ng mga NMESIS sa mga isla ng Batanes kung saan ilalagak ang mga ito sa itatayong Fires Expeditionary Advanced Base o EAB. Magsisilbi itong outpost ng mga espesyal na pwersa ng US para kontrolin ang Bashi Channel, ang makitid na lagusan ng dagat sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan. Una nang ipinwesto ng US dito ang Typhon Missile System na ipinasok sa bansa noong Balikatan 2024.

May awtoridad ang mga pwersang Amerikano sa EAB na “mamutok” sa “kaaway na mga barko” kahit nakapaloob sila sa teritoryo ng Pilipinas. Itinatransporma nito ang mga isla ng Batanes bilang firing line ng US Navy. Sa ganito, direkta nitong inilalagay ang mamamayan ng Batanes, at ng buong hilagang-silangang Luzon, sa unang linya ng pag-atake sakaling sumiklab ang armadong sigalot sa pagitan ng US at China, laluna sa Taiwan.

Pormal ding sisimulan sa Balikatan 2025 ang operasyon ng Littoral Rotational Force-Luzon, isang yunit ng US Marines na pamalagiang didikit sa mga baybay ng Luzon. Dito rin unang direktang lalahok ang mga pwersa ng Japan sa war games, matapos ang ilang taong pagiging obserber nito.

Itinuturing ng China ang mga maniobrang ito bilang pagpapatindi o “escalation” ng mga tensyon sa pagitan nito at ng US. Binalaan nito ang rehimeng Marcos na huwag magpagamit sa US bilang “proxy deterrence,” laluna sa Bashi Channel.

Batay sa mga pampublikong rekord, madalas ang paggamit ng mga aircraft carrier ng US sa teritoryong dagat ng Pilipinas. Liban sa Bashi Channel at Sulu Sea, tinatawid ng mga barkong pandigma ng US ang mga karagatan sa pagitan ng mga isla (sa San Bernadino Strait sa Samar, Leyte Gulf, Balabac Strait sa Palawan at Surigao Strait). Isa sa mga barkong ito, ang aircraft carrier na USS Theodore Roosevelt. Dumikit ito sa mga pinag-aawayang teritoryo, tulad ng Paracel Islands at Scarborough Shoal, at umakit ng dagdag na presensya ng mga barko at eroplanong Chinese.

Hindi bababa sa apat na barkong pang-sarbey sa tereyn sa ilalim ng dagat na pinatatakbo ng US Navy ang halos walang patid na namalagi sa South China Sea noong 2024. Saklaw ng sinasarbey ng mga ito ang Bashi Channel, Balabac Strait at Verde Island Passage sa pagitan ng Mindoro at Batangas.

Daanan din ang Pilipinas ng mga eroplanong pambomba na pinalilipad ng US Air Force mula sa base militar nito sa Guam para magpatrulya sa South China Sea. Noong 2024, namonitor ng China ang pagpapadala ng US ng mga eroplanong pambomba nang 32 beses para magsagawa ng 56 sortie/misyon, dalawang ulit na mas madalas kumpara sa isinagawa nito noong 2023. Komun na ruta ng mga eroplanong ito ang Bashi Channel sa hilaga at Sulu Sea sa timog ng bansa.

Lunsaran rin ang bansa ng mga unmanned aerial vehicle tulad ng MQ-9 Reaper UAV na nakabase sa Clark Airbase at sa Palawan sa ilalim ng Task Force-Ayungin ng US. Sa nakaraang Balikatan, nagpalipad ang US ng mga eroplanong paniktik laban sa China mula sa mga base nito sa Clark Airbase sa Pampanga; Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Lal-lo Airport at Camilo Osias Naval Base sa Cagayan; Benito Ebuen Air Base sa Cebu at maging sa Ninoy Aquino International Airport.

Balikatan 2025: Panibagong pagpapatindi ng interbensyong militar ng US