Isang pamilya, mga magsasaka at kabataan, dinakip ng pulis at militar
Dinakip ng mga pwersa ng estado ang isang pamilya sa Sorsogon, dalawang magsasaka sa Quezon at Masbate, at mga kabataan sa Isabela sa nagdaang mga linggo. Pinararatangan sila ng iba’t ibang kasong kriminal at pagkakasangkot sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Noong Abril 17, dinakip ng mga pulis at ng 31st IB si Gilberto Tolentino, 50 taong gulang na magsasaka, ang kanyang asawa na si Amelia, 47, anak na si Regine, 21, at kanilang 2-taong gulang na apo noong Abril 17. Kinuha sila ng mga pwersa ng estado sa Barangay San Vicente, Donsol, Sorsogon at kasalukuyang hindi matunton ng mga kaanak.
Ayon sa ulat, tanging si Gilberto ang nais kunin ng mga pwersa ng estado ngunit tumanggi ang kanyang asawa at mga kaanak kung kaya’t sumama silang lahat. Noong Abril 18, kaagad na pumunta ang kaanak ng mga Tolentino at upisyal ng barangay sa istasyon ng pulis sa Donsol at sa kampo ng militar sa Barangay San Jose para tuntunin ang mga biktima. Itinanggi ng mga pulis at militar na nasa kustodiya nila ang pamilya.
Sa Masbate, dinakip ng 2nd IB si Isabel delos Reyes, 56, sibilyang magsasaka mula sa Barangay Libertad, Cawayan noong Abril 17. Kasunod ito ng engkwentrong naganap sa pagitan ng 2nd IB at BHB-Masbate (Jose Rapsing Command) sa araw na iyon sa hangganan ng Barangay Miabas, Palanas at Barangay Libertad, Cawayan. Kinunan siya ng litrato na may hawak na baril at pinilit na gumawa ng kwento na “nangingikil” ang yunit ng BHB sa mga lokal na kandidato sa eleksyong 2025.
Sa Quezon, dinakip ng militar si Rico Endrinal, magsasakang residente ng Barangay Sugod, Lopez noong Abril 6. Inilipat-lipat siya ng kulungan at pinahirapan ang pamilya na makausap siya. Matapos ang insidente, nagkampo sa kanilang komunidad ang mga sundalo at walang tigil ang panggigipit sa kanyang pamilya.
Sa Isabela, dinakip ng 5th ID si Andy Magno ng Kabataan Party-list at kasama niyang Agta habang nangangampanya sa Barangay Dicamay Dos, Jones noong Abril 20. Si Magno ay gradweyt ng University of the Philippines-Manila.