Mga protesta

,

 

Paninindigan laban sa pagmimina. Sa isang porum sa Tabuk City, Kalinga noong Abril 12, nagpahayag ng pagtutol ang mahigit 100 mamamayan laban sa napipintong pagmimina ng Makilala Mining Company Incorporated (MMCI) sa kanilang bayan. Sasaklawin ng MMCI ang tatlong lugar sa Pasil, Kalinga—ang Maalinao, Caigutan at Biyog—na saklaw ng lupang ninuno ng Tribu Balatoc at mga bahagi ng Guinaang. Kamakailan, ang MMCI ay binigyan ng rehimeng Marcos ng pondo mula sa Maharlika Fund para ituloy ang mapaminsalang mga proyekto nito.

Kalbaryo ng mamamayan ang rehimeng Marcos. Naglunsad ng pagkilos malapit sa Mendiola ang mga maralitang-lunsod sa pangunguna ng Kadamay na tinawag nitong “Kalbaryo ng Mamamayan” noong Abril 16. Kasama ng grupo ang mga pamilya ng mga biktima ng ekstra-hudisyal na pagpaslang sa ilalim ng nakaraang administrasyong Duterte at mga maralitang nakaranas ng demolisyon ng kanilang mga tirahan, mga kabataan at manggagawa. Naglunsad ng katulad na pagkilos sa parehong araw ang Kadamay-Negros, mga grupo ng maralita, mangingisda at magsasaka sa Bacolod City.

Takbo laban sa pang-aabuso. Naglunsad ng “Takbo Babae 2025″ o ang pagtakbo laban sa abuso ang Gabriela Women’s Party sa loob ng kampus ng University of the Philippines-Diliman noong Abril 13. Ayon sa GWP, ang kanilang pagkilos ay pagpapakita ng paninindigan “laban sa karahasang nakabatay sa kasarian.” Daan-daan ang lumahok kabilang ang mga kilalang personalidad tulad ng mga artistang sina Barbie Forteza at Ryza Cenon, at Miss Globe runner-up na si Rowee Lucero.

Itim laban sa taas-singil sa matrikula. Naglunsad ng kilos protesta ang mga estudyante at myembro ng Anakbayan-Adamson University noong Abril 11. Nagsuot sila ng mga damit na itim para bigyang diin ang kanilang pagtutol sa planong 5% taas-matrikula sa unibersidad para sa akademikong taong 2025-2026. Katumbas nito ang karagdagang ₱2,500 sa matrikula. Noong 2022 huling nagpataw ng taas-matrikula ang unibersidad na umabot sa 5.8%.

Mga protesta