Ang pangil ng assumption of jurisdiction laban sa manggagawang Pilipino

,

Muling tumampok ang paggamit ng assumption of jurisdiction o AJ ng Department of Labor and Employment (DOLE) laban sa pakikibaka ng mga manggagawa nang ginamit ito para pigilan ang napipintong welga sa Nexperia Philippines noong Pebrero. Isa ito sa tatlong AJ na inilabas ng kalihim ng DOLE sa unang kwarto ng 2025.

Sa bisa ng AJ, inilabas ng DOLE ang “return to work order” (RTWO) para pwersahin ang mga manggagawa na bumalik sa trabaho, at kung hindi ay maari silang tanggalin. Sa harap nito, matapang na sinuway ng unyon ng mga manggagawa sa Nexperia ang kautusan at ipinutok ang welga na nagtagal ng tatlong araw (Marso 5−8). Nagkamit ng mga tagumpay ang unyon sa welgang nagdulot ng pagkalugi sa tinatayang ₱1.26 bilyon ng kumpanya.

Ang AJ ay isang kontra-manggagawang patakaran para ipagkait sa kanila ang kakayahan nilang gamitin ang welga bilang sandata sa pagtatanggol ng kanilang mga karapatan. Inilalabas ito ng kalihim ng DOLE para ipagbawal ang welga sa tabing ng katwirang “mahalaga sa pambansang interes” ang isang industriya. Nakasaad sa Artikulo 263 ng Herrera Law (Labor Code) na may kapangyarihan ang DOLE na gamitin ang mga pulis at sundalo para supilin ang mga manggagawang susuway sa kautusan.

Kabilang ang AJ sa samutsaring mga probisyon ng Herrera Law na sumasagka sa karapatan sa pagwewelga. Sa nagdaang 12 taon (2013-2024), ginamit ito ng DOLE ng 38 beses. Mayorya nito o 36 ay inilabas matapos pa lamang maghain ng notice of strike ang mga manggagawa, habang dalawa ay inilabas sa panahon ng aktwal na welga. Sa panahon ding ito, may kabuuang bilang ng 2,241 notice of strike ang isinampa, subalit 103 o 4.59% lamang ang bilang ng aktwal na pagkakataong nagwelga ang mga manggagawa. Bunga ito ng patung-patong na burukrasya, ligalidad, at tahasang panunupil na kinahaharap ng mga unyon at manggagawa bago makapaglunsad ng welga at ipaglaban ang kanilang kagalingan.

Tampok na mga kaso ng AJ

Sa ilalim ng rehimeng Estrada, naglabas ng AJ ang DOLE noong Disyembre 23, 1997 laban sa magwewelgang mga piloto ng Airline Pilots Association of the Philippines (ALPAP) ng Philippine Airlines dahil sa unfair labor practices. Sa kabila nito, ikinasa ng ALPAP ang welga noong Hunyo 5, 1998 at naglabas ng atas ang DOLE dalawang araw makalipas na bumalik sa trabaho ang mga piloto. Dahil sa pagsuway at “iligal na welga,” tinanggal sa trabaho ang higit 600 piloto. Pinaburan ng DOLE ang PAL na pag-aari ni Lucio Tan. Kasabay din ito ng maramihang tanggalan sa ibang manggagawa sa PAL.

Panahon ng rehimeng Arroyo nang brutal at madugong ipinatupad ang dalawang AJ na inilabas ng DOLE laban sa welga ng United Luisita Workers’ Union at Central Azucarera de Tarlac Labor Union sa Hacienda Luisita sa Tarlac noong 2004. Lumundo ang karahasan ng estado laban sa welga nang pagbabarilin ng mga pulis at sundalo ang mga manggagawang bukid at kanilang tagasuporta habang nagsasagawa ng programa sa Hacienda Luisita noong Nobyembre 16, 2004. Pitong welgista at tagasuporta ang napaslang habang marami ang nasugatan.

Panahon naman ng rehimen ni Benigno Aquino nang ipinailalim sa AJ noong Agosto 2010 ang planong welga ng mga manggagawa ng Filipinas Palm Oil Industries, Inc (FPII) dahil sa pagkaantala ng kanilang collective bargaining agreement (CBA). Ang FPII, dating NDC-Guthrie, ay sosyohan ng kumpanyang Malaysian at ng bilyonaryong Pilipino na si Dennis Villareal. Ang naturang kumpanya noon ang may pinakamalaking plantasyon at kakayahang magprodyus ng palm oil. Saklaw nito ang 8,000 ektaryang plantasyon sa Agusan del Sur.

Panahon naman ng rehimeng Duterte nang sinupil gamit ang AJ ang welga ng Nagkahiusang Mamumuo sa Suyapa Farms sa Davao de Oro noong Oktubre 2018. Nagdeklara ng welga ang 900 manggagawa ng Sumifru sa usapin ng regularisasyon, mababahang sahod, kontraktwalisasyon at pagtangging makipagnegosasyon para sa CBA. Ilang araw matapos iputok ang welga, naglabas ng AJ ang DOLE, dahil sa tinatayang ₱38 milyong pagkalugi ng kumpanya.

Sa harap ng lansakang maka-kapitalistang mga batas, isang malaking hamon sa mga manggagawa na ipagtanggol ang kanilang karapatang magwelga, kabilang ang paggamit ng patakarang AJ. Ang paglaban dito ay makapagpapalakas sa buong kilusang manggagawa.

Kasabay ng atake ng AJ, malaki rin ang pinsalang idinudulot ng papaliit na bilang ng mga manggagawang unyonisado sa bansa. Sa inilabas na Integrated Survey on Labor and Employment 2021-2022 ng Philippine Statistics Authority, 4.5% o 1,626 lamang sa kabuuang 36,342 empresang may 20 o higit na manggagawa noong Agosto 2022 ang mayroong unyon. Sa mga ito, 6.5% o humigit kumulang 350,000 sa kabuuang 5.35 milyong manggagawa lamang ang kabilang sa unyon. Sa mga empresang may unyon, 1,444 o 4% lamang ang mayroong CBA na sumasaklaw lamang sa 8.4% ng mga manggagawa.

Ang pangil ng assumption of jurisdiction laban sa manggagawang Pilipino