Mga taripa ni Trump, sandatang pang-ekonomya katambal ng gera para sa dominasyon ng US
Noong Abril 2, inihayag ni Donald Trump, presidente ng US, ang 10% na taripa sa lahat ng mga import ng US, na magiging epektibo noong Abril 5. Kasama dito ang mas mataas na “tumbasang mga taripa” mula 11% hanggang 50% sa mga import mula sa 57 bansa. Kabilang dito ang 17% na “diniskwento” na pagtaas sa taripa sa kalakal na mula sa Pilipinas (halos kalahati ay inasembol na kagamitang elektroniko at semikonduktor).
Nagdulot ng matinding ligalig sa mundo ang dagdag-taripa ni Trump. Inaasahan itong gagambala sa pandaigdigan produksyon at magtataas sa gastos sa produksyon. Sa unang araw pa lamang ng pagpapatupad nito, bumulusok ang pamilihan ng sapi sa US. Sinundan naman ito ng pagsirit, matapos sinuspinde ni Trump ang kautusang dagdag-taripa, liban sa mahigit 104% na ipinataw sa China.
Hindi tanda ng lakas kundi desperasyon ang ginagawang pambabraso ni Trump gamit ang pagpapataw ng matataas na taripa. Pinakahuling tangka ito ng imperyalistang bansa para ibangon mula sa matagal nang pagkalugmok ang pandaigdigang sistemang kapitalista, baligtarin ang estratehikong paghina ng sarili nitong ekonomya, at bawiin ang dating dominasyon sa industriya. Deklaradong layunin nitong protektahan ang ekonomya ng US, pawiin ang depisito sa kalakalan, at palakasin ang lokal na pagmamanupaktura. Ang ganitong proteksyunismo ay matagal nang patakaran ng US, mula sa “inshoring,” “Made in America,” at ang “CHIPS Act” ng mga naunang mga administrasyon nina Obama at Biden.
Ginagamit din ni Trump ang mga taripa bilang sandata sa digma sa ekonomya, na bahagi ng arsenal ng imperyalismong US para ibalik ang katayuan nito bilang nag-iisang pandaigdigang superpower. Iwinawasiwas nito ang laki ng ekonomyang Amerikano para pilitin ang China at iba pang imperyalista at kapitalistang bansa na yumuko sa kanyang hegemonya, at ang nakararaming mahihinang kapitalistang bansa at malakolonya na isuko ang yaman ng kanilang mga bansa sa kontrol at pagsasamantala ng imperyalismong US.
Sa gitna ng maigting na kapitalistang kumpetisyon, hindi lamang pagtataas ng taripa ang ginagawa ng imperyalismong US para ibalik ang dominasyon ng mga industriya nito. Ipinapako rin nito ang sahod ng mga manggagawang Amerikano at sinusupil ang kanilang mga karapatan sa paggawa. Nililigalig sila ng dagdag-taripa dahil mangangahulugan ito ng lalong pagsirit ng gastos sa kanilang pamumuhay.
Tahasang pinahihina ni Trump ang sistemang multilateral na deka-dekada nang ipinataw ng imperyalismo sa mga malakolonya sa ngalan ng neoliberal na globalisasyon. Ibinubunyag nito ang neoliberal na alamat ng “malayang kalakalan” na ginamit para pwersahang buksan ang mga ekonomya sa pandarambong ng US at kaalyado nitong mga bansa.
Sa harap ng malinaw na layunin ni Trump, todo-todong pangangayupapa ang tugon ng papet na rehimeng Marcos sa dagdag-taripa na ipinataw ng US. Nagpasalamat pa ito sa US sa ipinataw nitong relatibong “mas mababang taripa” kaysa sa Vietnam at iba pang mga bansa, na tiningnan nito bilang “pagkakataon upang makaakit ng mga dayuhang pamumuhunan.”
Sa kabila ng ipinakikitang antagonismo ng US sa ekonomya ng Pilipinas, nagkukumahog pa ngayon si Marcos at ang kanyang mga upisyal, na makipagkasundong tanggalin ang lahat ng taripa ng mga produktong Amerikano na pumapasok sa bansa kapalit ng pag-atras ng US sa mga taripa nito sa tinaguriang zero-to-zero tariffs. Ang ganitong “kasunduan sa malayang kalakalan” ay lalong magtatali sa Pilipinas sa ekonomya ng US, at magreresulta sa lalong pagtambak at pagbaha ng mga produkto mula sa US. Palalakasin nito ang pagsandig ng bansa sa mga imported na materyal, ng ekonomyang nakatali sa import at natuon sa eksport.
Sa paggigiit ni Trump sa hegemonya ng US, lalo niyang pinaiigting ang inter-imperyalistang mga kontradiksyon at inuudyok ang mga sigalot sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Hindi kaiba si Trump sa mga demagogo sa Europe sa mga dekada ng 1920 at 1930 na nagpaapoy ng ultranasyunalismo, bilang paghahanda nito sa gera.
Partikular sa Asia, patuloy na ginagamit ng US ang lakas-militar nito, direkta at sa pamamagitan ng proxy, para painitin ang tinagurian nitong teatrong digma sa Indo-Pacific laban sa China.