4 na aktibista at magsasaka, iligal na inaresto
Tatlong kaso ng pag-aaresto, isang kaso ng walang pakundangang pambobomba at mga kaso ng sarbeylans at panggigipit ang naiulat na mga paglabag sa karapatang-tao nitong nakaraang dalawang linggo.
Sa Southern Leyte, inaresto ng mga pwersa ng estado ang 61-taong gulang na si Felixberto Consad, myembro ng Piston sa Butuan City, sa kanyang bahay sa Sogod noong Agosto 14. Kinasuhan siya ng kasong pagpatay at dinala sa Sogod Police Station. Naninirahan si Consod sa Southern Leyte para iwasan ang panggigipit ng militar.
Sa Rizal, dalawang residente ng Sityo Rawang, Barangay Tandang Kutyo, Tanay ang inaresto noong Agosto 29. Ang mga biktima ay inaresto dahil sa kanilang pagtindig, kasama ang komunidad, sa pangangamkam ng lupa ng pamilyang Chua-Tan at Sta. Lucia Corporation sa erya.
Sa Camarines Norte, dinakip ng mga sundalo ng 16th IB si Faye Margarette Tallow, isang organisador ng mga magsasaka, sa Barangay Malibago, Labo noong Setyembre 4. Nireyd ng militar ang bahay na tinutuluyan ni Tallow at doon siya dinampot. Hanggang ngayon ay hindi pa siya inililitaw ng militar.
Sa Cavite, sinampahan ng gawa-gawang kaso ng 2nd CMO Battalion sina Jojo Mercado, Miriam Villanueva at iba pang residente ng Purok 5, Barangay Langkaan 1, Dasmariñas dahil sa pagtataboy nila sa mga sundalo sa komunidad. Kaugnay ito ng pagtanggi nilang bentahan ng kanilang tindahan ang mga elemento ng batalyon.
Pambobomba. Ginambala ng malalakas na bomba, kanyon, at pag-iistraping ng mga yunit ng AFP ang katahimikan at oras ng pahinga ng mga residente ng Tapaz, Capiz noong alas-2:30 ng madaling araw ng Agosto 22. Nagdulot ito ng matinding ligalig at nagtulak sa ilang pamilya na lumikas mula sa kanilang komunidad.
Paniniktik. Kinausap at tiniktikan ng isang pulis ang mga myembro ng Pamalakaya-Navotas noong huling linggo ng Agosto. Humingi ng impormasyon ang ahenteng pulis, na nagpakilalang taga-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at nag-alok ng pera kapalit ng impormasyon hinggil sa grupo. Para ilantad ang paniniktik, kinompronta ng grupo ang pulis noong Agosto 31 sa isang restawran.