Pakikibakang manggagawa

,

 

Tanggalan sa Wyeth, tinutulan. Binatikos ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union (WPPWU-DFA-KMU) ang iskemang “cluster crew” na planong ipatupad ng kumpanya sa pabrika. Ayon sa unyon, paraan ito ng pleksibilisasyon na magdadagdag ng trabaho sa manggagawa, paglipat sa ibang seksyon sa produksyon, at posibleng humantong sa tanggalan.

Lumitaw ang planong pagpapatupad ng “cluster crew” sa panahong nagsasagawa ng negosasyon ang mga kinatawan ng WPPWU at pamunuan ng Wyeth para sa bagong CBA na sinimulan noong Hunyo. Isinusulong ng unyon sa negosasyon ang ₱15,000 dagdag sahod sa loob ng tatlong taon, dagdag na mga benepisyo, at regularisasyon sa mga kontraktwal.

Ika-100 araw ng welga sa Kawasaki, ginunita. Nagtipon ang mga manggagawa ng Kawasaki United Labor Union (KULU) noong Agosto 29 para gunitain ang ika-100 araw ng kanilang welga na ikinasa noong Mayo dahil sa deadlock sa negosasyon sa CBA. Nagprograma sila sa harap ng hedkwarters ng Kawasaki Motors Phils Corporation (KMPC) sa Muntinlupa City. Nakiisa sa programa ang Kilusang Mayo Uno at mga unyon nito.

Manggagawang tinanggal sa Nexperia, naibalik. Matapos ang ilang buwang paggigiit at pagsasampa ng kaso sa Dole, naipanalo noong Agosto 18 ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU-NAFLU-KMU) ang pagpapabalik sa trabaho ng dalawang manggagawa at lider ng unyon na iligal na tinanggal ng kapitalista. Ayon sa desisyon, dapat maibalik ang dalawa sa kanilang dating pusisyon, panatilihin ang kanilang seniority rights, at bayaran ang lahat ng hindi nila natanggap na sahod at benepisyo mula Marso 10 hanggang sa kanilang pagbabalik-trabaho. Tinanggal ang dalawa, kasama ang dalawa pang upisyal ng unyon, noong Disyembre 2024 sa paratang ng “pagharang” sa paglabas-masok ng mga produkto sa kumpanya.

Pakikibakang manggagawa