Ikalawang bahagi: Ekspansyon ng plantasyong komersyal, banta sa likas na yaman ng bansa
Buong pagmamayabang ni Ferdinand Marcos Jr na ang krisis sa klima ang isa sa pangunahing tinutugunan ng kanyang rehimen. Sa pagpapanggap na siya ay maka-kalikasan, kung anu-anong huwad na proyektong reporestasyon ang ipinatupad ng rehimen sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Kabilang sa mga proyektong ito ang Expanded National Greening Program, “PagbaBAGo: A Million Learners and Trees”, Green Samar Reforestation Project, at ang “Forests for Life: 5M Trees by 2028” na inilunsad noong Marso 21. Ang totoo, ang tunay na layunin ng mga proyektong reporestasyon ay upang buksan ang natitirang kagubatan at prontera para sa “ligal” na pagpasok ng naglalakihang dayuhang negosyo para kamkamin at gawing plantasyon ang malalawak na kagubatan.
Malawakang sinisira ang kagubatan para ihanda ang kalupaan sa plantasyon ng mga puno. Kadalasang itinatanim sa mga plantasyon at reporestasyon ay falcata at kawayan dahil mabilis itong tumubo. Bagamat ang falcata at kawayan ay natural na matatagpuan sa Pilipinas, ang pagtatanim nito sa hindi nito likas na tinutubuan ay nagdudulot ng pagkasira sa saribuhay at ekolohiya ng isang lugar. Maraming halaman, hayop at insekto ang napapalayas at namamatay dahil sa pagtatayo ng mga plantasyon. Humihina rin ang kalidad ng lupa, dahilan ng madaling pagguho nito. Natutuyo ang mga bukal at sapa, at dahil maramihan at “dayo” ang punong itinatanim, inaagawan nito ng yamang mineral ang ibang mga halaman at puno sa lugar.
Paglawak ng plantasyon ng mga puno
Noong 2021, hinikayat ng DENR ang pagtatayo ng plantasyon ng kawayan upang paunlarin ang industriya nito sa bansa. Binigyan ng Southern Philippines Development Authority ang EcoPlanet Bamboo, isang kumpanyang Amerikano, ng inisyal na 8,369 ektarya para tayuan ng mga kawayan na pang-eksport sa Lanao del Sur. Nasa 30,000 ektarya ang plantasyon ng kawayan sa Pangasinan ng kumpanyang CS First Green-Agri-Industrial Corp. Plano namang palawakin ng kumpanyang Kilambay Plantation Corp. ang kanilang plantasyon hanggang 25,000 ektarya sa Mindanao, habang mayroon na itong 3,000 ektaryang plantasyon sa Carmen, Cotabato. Target din ng Department of Agriculture na mapalawak hanggang 42,000 ektarya ang mga plantasyon ng kawayan sa taong 2030.
Samantala, ang falcata ang pinakamaraming ineeksport na kahoy ng bansa, mayorya sa bansang China, Japan at US. Pangunahing ginagamit ito sa paggawa ng papel, plywood, pulpwood, veneer at mga muwebles. Paborable para sa mga eksporter ang falcata dahil mabilis itong lumaki. Pwede na itong anihin pagkalipas ng 3-10 taon, depende sa nais na kalidad ng kahoy. Pinakamalaking plantasyon nito ay sa Davao Oriental na may lawak na 1,200 ektarya. Pinakamaraming plantasyon naman ay sa bahaging CARAGA na nasa kabuuang 20,404 ektarya. Noong Hulyo, inanunsyo ang planong pagtutulungan ng Misamis University at DENR para sa pagtatayo ng tatlong ektaryang plantasyon ng falcata sa Barangay Capucao, Ozamis City. Sa plantasyon, planong magtanim ng 2,400 na mataas na kalidad ng falcata at magparami ng binhi nito para sa mga taniman at plantasyon sa Region 10 at sa iba pang prubinsya sa Mindanao. Nagkakahalaga ng mahigit ₱12,000 ang nasa 10 taong gulang na puno ng falcata.
Sa tabing ng “reporestasyon,” nililinlang ng rehimeng US-Marcos ang mamamayan na ang mga plantasyong komersyal tulad ng kawayan ay makakalikasan at tugon sa krisis sa klima ng bansa. Subalit ang mismong pagtatayo ng plantasyon, sa halip na buhayin at payabungin ang natural na ekolohiya ng kagubatan, ang siyang sumisira sa kalikasan. Limpak-limpak na tubo, hindi pangangalaga sa kalikasan, ang totoong pakay ng mga plantasyon ng puno na ito.
Gamit ni Marcos ang pwersang militar at pulis upang pagsilbihing gwardya at tapagagtanggol ng mga kapitalista. Di na mabilang na katutubo at magsasaka ang pinalayas, inagawan ng lupa, ginipit, dinukot, sinampahan ng gawa-gawang kaso, at pinaslang ng mga berdugo alang-alang sa interes at dambuhalang kita ng mga kapitalista.