Planong pagmimina sa Nueva Vizcaya at Benguet, tinutulan ng mamamayan

,

Kinundena ng mamamayan ng Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya ang planong pagmimina sa kanilang komunidad. Noong Agosto 4, binigyan ng Mines and Geosciences Bureau ang Woggle Corporation, kumpanyang nakabase sa United Kingdom, ng exploration permit para aralin ang mineral na makukuha sa bayan. Planong sakupin ng kumpanya ang 3,102 ektaryang lupain ng limang barangay o 10% ng kabuang lupain ng naturang bayan.

Agad naman naglabas ng resolusyon ang barangay Oyao laban sa pagmimina at ang sanggunian bayan, na nag-uutos para sa kanselasyon sa nangyayaring mining exploration sa bayan. Nagpahayag ng pagkundena ang Diocese ng Bayombong. Naglunsad ng signature campaign ang mga residente.

Samantala, nananawagan ang komunidad ng Barangay Bulalacao, Mankayan, Benguet para sa pagkansela sa permit ng Crescent Mining Development Corporation (CMDC) para sa Mineral Production Sharing Agreement na muling binigay sa kumpanya sa kabila ng kawalan nito ng free, prior and informed consent mula sa mga katutubo at certification of precondition, na itinakda ng reaksyunaryong batas.

Nasa 534 na ektarya na bahagi ng lupaing ninuno ang saklaw ng proyekto at iginawad din sa kumpanya ang dagdag na 300 ektarya sa parehong lugar. Banta ang operasyon sa mahigit 600 pamilya na nakaasa sa pagtatanim sa lupaing ninuno. Ang CMDC ay pagmamay-ari ng Asean Copper, na 40% nito ay pagmamay-ari ng isang kumpanyang Australian.

Planong pagmimina sa Nueva Vizcaya at Benguet, tinutulan ng mamamayan