Pagbabase ng tropang Australian sa Pilipinas, estratehiya ng US

,

Nitong nakaraang mga buwan, sunud-sunod ang mga war games na inilunsad ng Australia sa Pilipinas. Ang mga ito ay alinsunod sa estratehikong plano ng pagtatanggol ng hegemonya ng US sa Asia-Pacific, kung saan malaki ang bentahe ng Australia.

Isa sa mga war games Alon 2025, na isinagawa sa lupa at karagatan ng Palawan, Mindoro at iba pang bahagi ng Luzon. Sa war games na ito, nagpadala ang Australia ng pinakamalaking bilang ng mga sundalo sa Southeast Asia mula nang nanghimasok ito sa East Timor noong 1999. Bago nito, inilunsad ng Australia ang Kasangga 2025, isang pagsasanay sa kontra-insurhensya sa Camp Kibaritan sa Bukidnon.

Kamakailan, itinulak na rin ng Australia ang pagtatayo ng sarili nitong mga base sa Pilipinas para ibahay ang lumalaking bilang ng tropa at kanilang mga gamit sa bansa. Noong Agosto 22, pinirmahan ng mga upisyal sa depensa ng Australia at Pilipinas ang Statement of Intent for Enhanced Defense Cooperation para bigyan-daan ang layuning ito. Nakatakdang ipinal ang kasunduan sa 2026.

Bibigyang daan ng kasunduang ito ang permanenteng pagpwesto ng mga tropa ng Australia sa Pilipinas, paglulunsad ng malalaking war games at pamumuhunan sa “imprastrukturang pandepensa” o mga base militar. Ang kasunduang ito ay magiging katulad sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at US, na yumuyurak sa soberanya ng bansa at magtatali sa bansa sa mga armadong sigalot na pinapaypayan ng US.

Dagdag ang mga tropa, sasakyan at gamit pandigma ng Australia sa dambuhala nang makinaryang militar ng US na nakalatag sa Pilipinas.

Samantala, isa na namang baseng nabal ang binuksan ng AFP, sa direksyon ng US, sa Mahatao, Batanes nitong Setyembre. Ang base ay bahagi ng lambat ng mga forward operating base na inilalatag ng US sa mga isla ng Batanes (may isa pa sa isla ng Mavulis) dahil sa lapit nito sa Taiwan.

Sa kaugnay na balita, nabunyag ang pagbubukas ng rehimeng Marcos sa Camp Cape Bojeador sa Burgos, Ilocos Norte para maging imbakan ng bala ng US. Ang huling mga hakbang na ito ay lalong nagkakaladkad sa Pilipinas sa pinaiigting na sigalot ng US laban sa China.

Pagbabase ng tropang Australian sa Pilipinas, estratehiya ng US