Mga ambus ng BHB sa Bicol at Negros, tagumpay
Inambus ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Albay (Santos Binamera Command) ang nag-ooperasyong 16-kataong iskwad ng 49th IB noong Agosto 21 sa Barangay Palapas, Ligao City, Albay. Hindi bababa sa tatlong pasistang sundalo ang napatay at isa pa ang naiulat na nasugatan sa ambus.
Ayon sa ulat ng BHB-Albay, nagtatangka ang mga tropa ng 49th IB na lumapit sa hinihimpilan ng hukbong bayan para ireyd ang yunit. Anito, nabantayan ng masa ang kilos ng pasistang mga tropa kaya agad nakagawa ng mapagpasyang hakbang ang yunit ng hukbo para patamaan ito.
Sa Negros Occidental, inambus ng BHB-South Central Negros (Romeo Nanta Command) ang tropa ng 94th IB at CAFGU na nag-ooperasyon sa Sityo Balao, Barangay Tan-awan, Kabankalan City noong Setyembre 4. Tatlo ang nasugatan sa mga pasistang sundalo.
Aktibong depensa. Sa Aurora, isang sundalo ng 91st IB ang nasugatan sa aktibong pagdepensa ng isang yunit ng BHB-Aurora (Domingo Erlano Command) noong Agosto 21 ng hapon sa Sityo Aguses, Barangay Matawe, Dingalan. Tatlong buwan na ang focused and sustained military operations ng 91st IB sa Dingalan at katabing mga bayan nito.
Sa nagdaang mga linggo, sunud-sunod ang naiulat na mga armadong aksyon at aktibong depensa ng mga yunit ng BHB laban sa umaatakeng tropa ng Armed Forces of the Philippines. Liban sa Albay at Aurora, naitala ang mga ito sa Masbate, Oriental Mindoro, Quezon, at Capiz.
Pinasisinungalingan ng mga serye ng labanan na ito ang pahayag ni Ferdinand Marcos Jr noong Hulyo na “wala nang grupong gerilya” sa bansa.