Mga protesta
Abusadong warden sa bilangguan sa Negros, napatalsik. Napatalsik noong Agosto 28 ang abusadong warden na si Atty. Crisyrel P. Awe ng Negros Occidental District Jail-Male Dormitory matapos ang 4-araw na protesta ng may 600 bilanggo, kasama ang mga bilanggong pulitikal. Ang pagkilos ay tugon nila sa patung-patong na mga kaso ng paglabag sa kanilang karapatan sa loob ng bilangguan sa pangunguna ni Awe. Kabilang sa mga batayan ng pagpapalit kay Awe ang mga kasong panggigipit at pananakot sa mga lider ng bilanggo, hindi pagtupad sa naunang mga kasunduan at ibang di-makatuwirang kalakaran. Nagpiket rin sa labas ng bilangguan ang mga pamilya ng bilanggo bilang suporta.
Ilitaw ang mga desaparesido. Nagprotesta sa Maynila ang Desaparecidos Philippines at mga grupo sa karapatang-tao noong Agosto 30 bilang paggunita sa International Day of the Disappeared. Panawagan nilang ilitaw ang lahat ng mga dinukot at sapilitang iwinala ng mga pwersa ng estado ng Pilipinas. Sa ilalim ng rehimeng Marcos, hindi bababa sa 15 ang biktima ng sapilitang pagkawala. Naglunsad ng katulad na mga protesta sa syudad ng Baguio, Iloilo, at Cebu, at sa Los Baños sa Laguna.
Mga migrante sa US, nagbuklod. Nasa 850 migrante sa US, kabilang ang mga Pilipino, ang nagprotesta sa Tacoma, Washington para ipanawagan ang ang pagtigil sa di makataong pagtrato sa mga nakakulong sa mga pasilidad ng ICE, pagtugis sa mga migrante at di makatwirang deportasyon. Isinagawa ang pagkilos matapos idaos ang kumperensyang nagbuklod sa 100 organisasyon mula sa US at sa ibang bansa sa Defend Migrants Alliance.