Marcos, mga tiwaling kontratista, pinapanagot ng taumbayan

,

Sunud-sunod na protesta ang inilunsad ng mga progresibong grupo laban sa rehimeng Marcos at mga kontratistang sangkot sa korapsyon at anomalya sa mga proyektong flood control at iba pang imprastruktura. Isinagawa ang mga pagkilos noong Setyembre 4 at Setyembre 5 sa pangunguna ng Bayan. Nagkaroon naman ng takbo laban sa korapsyon sa University of the Philippines-Diliman noong Setyembre 7 na nilahukan ng higit 1,000 ka tao.

Sinugod at kinalampag ng mga grupong pangkalikasan at biktima ng mga kalamidad noong Setyembre 4 ang upisina sa Pasig City ng St. Gerrard Construction, pag-aari ng mga Discaya, na isa sa mga kontratistang imbwelto sa korapsyon laluna sa bulok na mga proyektong flood control. Binato nila ng putik ang logo at tarangkahan ng kumpanya bilang pagpapamalas ng kanilang galit.

Sa parehong araw, sinugod ng mga myembro ng Anakbayan ang pambansang upisina ng DPWH sa Maynila. Kasabay nito ang protesta ng grupong KYUSI 4 Truth and Accountability sa Quezon City at ng Bayan-National Capital Region at ONE Taft sa Pedro Gil. Sa Marikina City, nagprotesta ang mga kababaihan sa pangunguna ng Gabriela Women’s Party.

Noong Setyembre 5, nagsama-sama ang mga grupo sa pangangalampag sa House of Representatives sa Quezon City para kundenahin ang DPWH at si Marcos. Itinaon nila ang pagkilos sa pagdinig para sa badyet ng kagawaran. Isang protesta rin ang pinangunahan ng Bayan-Central Visayas sa DPWH Region 7 sa Cebu City. Sa Pampanga at Bulacan, nagprotesta ang Bayan-Central Luzon sa nagdaang linggo.

Marcos, mga tiwaling kontratista, pinapanagot ng taumbayan