Pahirap at pasistang rehimeng Prabowo-Gibran ng Indonesia, dinumog ng protesta
Muling sumiklab noong Agosto ang protesta ng mamamayang Indonesian laban sa mga kontra-mamamayang patakaran ng presidente ng bansa na si Prabowo Subianto at bise presidente niyang si Gibran Rakabuming Raka. Tumindi ang kanilang galit matapos sagasaan ng sasakyan ng pulis at napatay si Affan Kurniawan, isang delivery rider, noong Agosto 28. Mula sa kabisera sa Jakarta, lumaganap ang mga protesta sa 32 prubinsya at sa mga syudad ng Bandung, Surabaya, Malang, Solo, Yogyakarta, Medan, at Makassar.
Sa huling mga protesta, ipinamalas ng mamamayan ang tindi ng kanilang galit sa pagsusunog ng pampublikong mga gusali, pasilidad at sasakyan, at panloloob sa mga bahay ng kurakot na upisyal at pulitiko. Sinupil ng rehimeng Prabowo-Gibran ang mga protesta gamit ang tear gas, water cannon at rubber bullet. Ipinailalim ng rehimen sa mala-batas militar ang mga lansangan at komunidad at inatasan ang pulis na mang-aresto at mamaril ng mga raliyista.
Umabot sa 10 ang pinatay ng mga pwersa ng estado mula Agosto 25 hanggang Setyembre 2, habang 1,241 ang inaresto (kabilang ang mga idineklarang nawawala) at 800 ang malubhang nasugatan.
Mitsa ng mga protesta ang pagkamuhi sa pagbibigay ng rehimen ng buwanang alawans para sa pabahay ng mga myembro ng parlamento, na 20 beses na mas malaki kaysa minimum na sahod ng mga manggagawa. Labas pa ito sa kanilang sweldo na nasa 100 milyong rupiah o ₱350,000/buwan. Kasabay nito, binawasan ni Prabowo ang badyet para sa mga rehiyon, na nagtulak sa mga lokal na gubyerno na magpataw ng dagdag na buwis nang hanggang 250%.
Lubos na kinasusuklaman ng mga Indonesian ang rehimen, sa kabila ng diumano’y “popularidad” nito nang mahalal sa pwesto. Sa unang taon sa poder, pinagkaabalahan ni Prabowo ang pagbubundat sa kanyang gabinete at mga upisyal sa parlamento. Pinalawak niya ang kapangyarihan ng militar at pulis para konsolidahin ang kanyang kontrol sa estado. Inatupag niya ang pagkonsolida ng kurakot at benepisyo sa pamamagitan ng pagtatayo ng BPI Danantara (National Sovereign Wealth Fund).
Matagal nang kumukulo ang galit ng mga Indonesian sa kainutilan ng estado na tugunan ang krisis sa kabuhayan at ekonomya. Nagtataasan ang presyo ng mga bilihin at serbisyo, gastos sa edukasyon at pangkalusugan. Marami ang walang trabaho at laganap ang kawalang katiyakan sa trabaho. Malayong hindi nakasasapat sa pangangailangan ng isang pamilya ang minimum na sahod.
Labas sa pambansang kabisera, maigting ang pagsasamantala sa paggawa, pang-aagaw ng lupa ng mga dayuhang korporasyon, malawakang pagpapalayas sa mga magsasaka at katutubo, pagkasira ng kalikasan at kriminalisasyon sa pagtutol sa engrandeng mga proyektong imprastruktura, mina at plantasyon na sinimulan ng naunang rehimeng Widodo at ipinagpapatuloy ni Prabowo.
Sa bayan ng Pati sa Central Java, nagprotesta noong unang linggo ng Agosto ang 100,000 katao para itakwil ang dagdag-buwis na ito at igiit ang pagpapatalsik ng rehente (alkalde) sa poder at pagbabasura sa iba pa niyang kontra-mamamayang patakaran. Noong Hulyo, nagprotesta rin ang maliliit na negosyante, mga manggagawa at maralita na pinalayas para bigyan-daan ang 1,175-ektaryang Mandalika Special Economic Zone, isang proyektong megaturismo. Noong buwan ding iyon, nagwelga ang mga manggagawa sa PT Huadi Nickel Alloy Indonesia laban sa malawakang tanggalan at sapilitang pagpapaliban sa trabaho nang walang negosasyon.
Umani ng suporta ang mga protesta sa Indonesia mula sa mamamayan sa mga karatig-bansa nito sa Asia na umiinda ng katulad na krisis sa kabuhayan at nahaharap sa katulad na panunupil at pasismo.
Nagpaabot din ng pakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas sa mga protesta na anito’y nagpapatampok sa matinding pagnanais ng mamamayang Indonesian para sa rebolusyonaryong pagbabago. Kasama ang masang anakpawis na Indonesian, binabalikat ng mga Pilipinong anakpawis ang bigat ng di pantay na sistema sa ekonomya, na pinalalala ng pandaigdigang krisis ng kapitalismo, habang patuloy na nagpapakasasa ang mga reaksyunaryong uri at pulitiko.
Mataba ang kundisyon sa Indonesia para sa maigting na makauring pakikibaka, hindi lamang sa pamamagitan ng mga masang protesta, kundi higit na mahalaga, sa pamamagitan ng armadong paglaban at digmang bayan, ayon sa PKP.