Pagsulong ng makabayan at demokratikong pakikibaka ng kabataang Pilipino
Tangan ang mga plakard, bandila, at megaphone, puspusang isinusulong ng kabataang Pilipino ang kanilang makabayan at demokratikong pakikibaka sa harap ng pinatinding atake ng rehimeng Marcos at National Task Force-Elcac laban sa kanila. Hindi sila nagpapabusal, at tumatangging maging kimi at yumuko sa pasistang dikta ng estado.
Sa nagdaang mga linggo, iba’t ibang aktibidad ang pinangunahan at nilahukan ng kabataan para ilantad at batikusin ang anti-mamamayang mga patakaran ng rehimeng Marcos. Sa loob at labas ng mga paaralan, nakikibahagi sila sa mga pakikibakang bayan.
Pagkilos sa mga unibersidad
Daan-daang kabataang-estudyante ang lumahok sa mga demonstrasyon at aktibidad sa pribado at pampublikong unibersidad para salubungin ang pagbubukas ng klase sa nagdaang buwan. Itinampok nila sa mga pagkilos ang isyu ng edukasyon, pagtataguyod sa kanilang demokratikong karapatan, at paglaban sa pagsikil sa akademikong kalayaan.
Higit 1,300 kabataan ang nagprotesta sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa noong Setyembre 2 para simulan ang bagong akademikong taon. Sa University of the Philippines (UP)-Los Baños, umabot sa 500 ang kumilos na mga estudyante noong Agosto 12. Daan-daan din ang lumahok sa mga rali sa iba pang kampus ng UP mula Baguio, tungong Diliman, hanggang Visayas at Mindanao.
Isinagawa rin ang mga pagkilos sa ng Technological University of the Philippines Manila, Cavite State University, Southern Luzon State University sa Quezon, sa Bicol University, at Western Visayas State University sa Iloilo.
Matapos ang ilang taon, muli ring nakapagtipon noong Agosto 30 sa Tabuk City ang Samahan ng mga Mag-aaral sa Kalinga, isang organisasyon sa Kalinga State University (KSU). Ang grupo ay dating kinikilala ng unibersidad ngunit natigil nang ni-red-tag at, sa udyok ng NTF-Elcac at AFP noong 2021.
Sa mga pribadong paaralan, nagkasa ng pagkilos ang mga kabataan sa Saint Louis University sa Baguio City, sa Adamson University, Ateneo de Manila University, at De La Salle University at iba pang pamantasan. Hindi sila nagpatinag sa panunupil ng administrasyon, banta ng suspensyon at iba pang maparusang hakbangin.
Labas sa kampus
Hindi nagpapakulong ang kabataan sa mga isyu sa loob ng kampus. Militante silang nagmamartsa sa mga lansangan kasama ang mga manggagawa at maralitang-lunsod, at tumutungo sa kanayunan para makiisa sa masang magsasaka at mga pambansang minorya.
Kaisa ngayon ang mga kabataan sa pagbatikos ng taumbayan sa maanomalya at batbat ng korapsyon na mga proyektong flood control at mga imprastruktura. Sinugod nila at pinagbabato ng putik at bulok na gulay ang upisina ng mga kontratista at ng Department of Public Works and Highways at nanawagan ng pananagutan sa rehimeng Marcos.
Nakihanay sila sa laban kontra demolisyon ng mga residente ng Smokey Mountain at Malara sa Tondo. Patuloy silang sumusuporta sa laban ng mga manggagawa at unyon ng Nexperia, welga sa Kawasaki, at tumungo sa mga piketlayn.
Pinangingibabawan nila ang takot at lagim na inihahasik ng militar sa kanayunan sa paglahok sa mga fact-finding mission sa Mindoro at Quezon. Ginagamit nila ang social media para ilantad sa publiko ang paparaming mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa kanayunan.
Maging ang mga kabataang Pilipino sa ibayong dagat ay umuuwi sa Pilipinas para makibahagi sa pakikibaka ng mamamayan. Sa nagdaang mga buwan, puu-puong kabataan mula US ang bumisita sa Pilipinas para matuto sa paglaban ng mga sektor.
Hindi alintana ng kabataan ang gasgas nang pakana ng NTF-Elcac na pagbabansag sa mga aktibidad ng sektor bilang “terror grooming.” Mapangahas na tinatanganan ngayon ng kabataang Pilipino ang mahigpit na tungkulin ng pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masang anakpawis. Pinapanday nila ang sarili at binabalikat ang sakripisyo bilang mga susunod na tagapagmana ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino.