Tigil-putukan sa Gaza, hindi sapat; pagtigil sa henosidyo, ipinanawagan
Ipinatupad sa Gaza mula Oktubre 14 ang isang tigil-putukan sa pagitan ng Zionistang estado ng Israel at grupong Hamas na pinamagitan ng US. Taliwas sa ipinagmamayabang ng presidente ng US na si Donald Trump, hindi ito isang “regalong diplomatiko,” kundi resulta ng di natitinag na paninindigan ng mamamayang Palestino na tumangging isuko ang kanilang bansa. Daanlibong Palestino na ang naglalakad pabalik ng Gaza City para unti-unting bawiin ang buhay nilang winasak ng henosidyo ng Israel.
Sa kabila ng kasunduan, tuluy-tuloy ang mga paglabag ng Israel sa mga karapatan ng Palestino. Nasa 97 ang pinatay ng mga pwersa nito mula Oktubre 14 hanggang Oktubre 19. Noong Oktubre 19, biglang itinigil ng Israel ang pagpasok ng daan-daang trak na nagdadala ng pagkain sa loob ng Gaza.
Sa bahagi ng Hamas, tinupad na nito ang probisyon ng pagpapalaya sa lahat na 20 natitirang hawak nitong buhay na bihag. Sinimulan na rin nitong ilipat ang kustodiya ng 23 bangkay ng mga bihag na napatay dahil sa walang awat na pang-aatake ng Israel.
Noong Oktubre 7 at mga araw matapos nito, ginunita ng milyun-milyong mamamayan sa buong mundo ang ikalawang taon ng Al Aqsa Flood para suportahan ang makatarungang paglaban ng mga Palestino at kundenahin ang henosidyo. Nagkaroon ng dambuhalang mga pagkilos sa UK, The Netherlands, Spain, Italy, US, Canada at Japan. Nagkaroon din ng mga pagkilos sa Pilipinas, kabilang ang protesta ng mga grupong pambansa-demokratiko laban sa paggamit ng Israel sa pagkain at ayuda bilang armas. Noong Oktubre 17, nagkaroon ng kampuhan para sa Palestine ang mga estudyante sa loob ng kampus ng Ateneo de Manila University.
Sa taya ng mga syentista at dalubhasa, 680,000 na ang kabuuang namatay sa Palestine, kung saan 380,000 ay mga sanggol at mga batang edad 5 pababa. Ang higit 68,000 sa kanila ay direktang napatay ng mga bomba at bala ng mga sundalong Israeli.
Nakapagtala naman ang mga internasyunal na ahensya ng 400 na pagkamatay dahil sa matinding gutom, kasama ang 140 bata. Samantala, nasa 3,000 ang napatay habang naghihintay o nakikipag-agawan ng ayuda at pagkain, marami sa mga “death trap” ng Gaza Humanitarian Foundation na pinatatakbo ng mga sundalong Amerikano at Israeli.