Nakasusulasok na korapsyon ng burukrata-kapitalistang militar
Sa pagsambulat ng korapsyon ng burukratikong kapitalistang sistema, hindi kataka-taka ang sabay na pag-alingasaw ng baho ng mga burukrata-kapitalista sa hanay ng militar. Nabunyag kamakailan ang maaanomalyang proyektong imprastruktura na kinasasangkutan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kasabwat ang tiwaling mga kontraktor. Lumitaw na rin na may malaking parte ito (₱50 bilyon) sa unprogrammed appropriations para sa 2026 mula sa pork barrel ng presidente.
Aabot sa ₱15 bilyon ang kinurakot at winaldas sa 944 imprastrukturang militar sa ilalim ng Tatag ng Imprastraktura para sa Kapayapaan at Seguridad (TIKAS) Convergence Program mula 2023 hanggang kasalukuyan. Nabunyag sa pagdinig ng senado na 421 sa mga proyektong ito ay hindi totoo (ghost) habang ang 648 na inilistang “tapos na” gayong tumigil ang konstruksyon sa mga sa panimulang antas at sa gayon ay hindi ito magagamit.
Niloloko ng hepe ng AFP na si Romeo Brawner Jr ang taumbayan sa pagsasabing walang kinalaman ang militar sa pangungulimbat sa pondong TIKAS, lalo’t ang mga kumander ng AFP Unified Command at panrehiyong direktor ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nagtatakda kung ano at saan itatayo ang mga proyekto nito. Magkatuwang na pinangangasiwaan ng Department of National Defense (DND) at DPWH ang pagtatakda ng pamantayan, pagpaplano at pagsubaybay sa implementasyon sa pamamagitan ng TIKAS Central Technical Working Group. Gayundin, lahat ng mga proyektong TIKAS ay nasa loob o paligid lamang ng mga kampo militar.
Katiwaliang likas sa burukrasya
Tulad ng mga kapwa nila kurakot sa burukrasyang sibil, ginagamit ng mga burukrata-kapitalista sa militar ang pusisyon nila sa estado para magkamal ng yaman. Itinatag ng imperyalismong US ang pasistang AFP noong 1935 upang magsilbing haligi ng gubyernong Komonwelt, nauna pa sa itinayo nitong papet na estado noong 1946. Lumaki ito nang lumaki sa ilalim ng diktadurang Marcos Sr tungong 142,000-sundalo para sa brutal na implementasyon ng batas militar. Mula noon, tuluy-tuloy itong binundat ng suhol, kontrata at pabor ng nagsalit-salitang naghaharing pangkatin mula kay Corazon Aquino hanggang sa kasalukuyang rehimen.
Sa nagdaang mga dekada, naisadokumento ang pagkopo ng mga heneral ng sobrang pinresyuhang mga kontrata ng pagbili ng mga kagamitang militar kabilang ang mga baril, howitser, armored vehicle, jetfighter, helikopter at barko. Nasiwalat na tumatabo ang mga heneral ng 10-30 porsyentong kikbak sa mga kontrata para sa bala at baril. Talamak ang mga ghost delivery ng suplay, pekeng mga transaksyon para sa mga armas at kagamitan, at pakikipagsabwatan sa mga suplayer at kontraktor. Noong 2011, tumampok ang maanomalyang tradisyon ng “pabaon,” kung saan taun-taon na tinitipon ang aabot sa ₱1.5 bilyon badyet ng DND bilang panggantimpala sa mga nagreretirong heneral. Maging ang pensyon ng mga sundalo na buong pinopondohan ng estado ay kinukulimbat sa pamamagitan ng pagbabayad sa libu-libong “ghost retiree.”
Mahilig ang mga heneral sa pagpapagawa ng magagarang upisina at pampaganda ng mga kampo na pinagkukunan nila ng malalaking kikbak. Bantog din sila sa madalas na pagbabakasyon sa labas ng bansa kasama ang kani-kanilang mga pamilya, mamahaling sasakyan at bahay, at pangkalahatang magagarang pamumuhay.
Noong 2018, isa pang senador ang nagsiwalat ng malawakang korapsyon ng “Davao Group,” isang grupo ng mga heneral na malapit kay Rodrigo Duterte, sa pagbili ng mga armas at gamit-militar sa tabing ng “modernisasyon” ng AFP. Nitong Oktubre, kinasuhan sa Ombudsman ang koronel na nagsisilbing hepe ng grupong panseguridad ni Sara Duterte dahil sa pagkakasangkot niya sa pangungulimbat ng bise presidente sa ₱125 milyong confidential and intelligence funds.
Tambalang AFP at NTF-Elcac
Malaki rin ang ibinubulsa ng mga upisyal militar mula sa mga programang kontra-insurhensya tulad ng E-CLIP na ginagamit para sa huwad na programa ng “pagpapasurender” sa mga sibilyan at mga proyektong imprastruktura ng Barangay Development Program ng NTF-Elcac.
Sa kaso ng BDP, mga yunit ng AFP ang nagtatakda kung saang mga barangay ilalatag ang farm-to-market road (FMR). Marami sa mga ito ay ghost project, habang ang iba ay duplikasyon, sobra ang presyo, mababa ang kalidad, at inilatag sa di ligtas o di angkop na mga bahagi ng barangay. Nagsisilbing gwardya ng mga proyektong ito ang mga batalyon ng AFP.
Sa Northern Mindanao, halimbawa, binigyan ng pondo ang AFP at NTF-Elcac ng ₱17.6 bilyon para sa 142 FMR noong 2020. Marami sa mga barangay na nabiyayaan nito ay may mga kampo, detatsment o presensya ng RCSP ng AFP. Ang pinakamahal sa mga FMR na ito ay nagkakahalaga ng ₱67.5 milyon kada kilometro, limang beses na mas mataas kumpara sa pambansang abereyds. Halos lahat ng mga kontrata ay nakopo ng Ulticon Builders, na malapit sa noo’y rehimeng Duterte.
Sa Samar, umabot ng apat na taon bago natapos ng NTF-Elcac noong 2024 ang pagsesemento sa 400-metrong kalsada na inilatag ng mga sundalo sa gitna ng palayan. Nagkakahalaga ang proyekto ng tumataginting na ₱14 milyon, o ₱35,000 kada metro. Umabot lamang ang kalsada sa dulo ng kanugnog na barangay at malayong-malayo sa mga sentrong bayan.
Kasabay nito, kinukurakot din ng mga sundalo ang pondo para sa pinasusuko nilang mga sibilyan. Kahit ang mga ayudang bigas at delata ay nileletratuhan lamang na ipinamimigay subalit binabawi rin matapos ang mga parada at pakitang-taong mga seremonya na kontra sa rebolusyonaryong kilusan.