Mga protesta
Aksyon kontra demolisyon sa Marikina. Napigilan ng mga residente ng Agora, Barangay Sto. Niño, Marikina City ang planong demolisyon sa kanilang komunidad noong Oktubre 15. Nagtayo sila ng kampuhan noong Oktubre 14. Mahigit 53 maralitang pamilya ang nanganganib na mapalayas sa komunidad sa kabila ng kanilang mahigit 40 taon na paninirahan sa lugar. Dahil sa protesta, nangako ang lokal na gubyerno ng relokasyon para sa mga apektadong residente.
Barikada sa Benguet. Umabot sa 400 residente ng dalawang barangay sa Mankayan, Benguet ang nagbarikada noong Oktubre 13 laban sa panghihimasok ng Crescent Mining and Development Corporation sa kanilang lupang ninuno. Nagsilbi rin itong pormal na pagtatag ng alyansang No Mines Movement of Guinaoang and Bulalacao.
Pagkilos kontra-mina sa Dupax del Norte, NV. Simula Setyembre 17 ay nagtirik ng barikada ang mga residente ng Barangay Bitnong sa Dupax del Norte sa Nueva Vizcaya laban sa Woggle Corporation. Tumindi ang gitgitan ng mga residente at kumpanya nang maglabas ang isang korte sa prubinsya ng Temporary Restraining Order noong Oktubre 14 laban sa barikada. Binuwag ng mga pulis ang barikada noong Oktubre 16 at inaresto ang tatlong residente. Kaagad din silang nakalaya.
Kaliwa’t kanan na kinundena ng mga residente, simbahan, grupo at indibidwal ang pagdarahas ng pulis. Naglunsad sila ng karaban at protesta sa Nueva Viscaya Provincial Capitol noong Oktubre 20 upang kundenahin ang kawalang-aksyon ng lokal na gubyerno. Naglunsad din ng pagkilos sa parehong araw ang grupong Kalikasan PNE sa tapat ng Department of Environment and Natural Resources.
Nakatakda ding maglunsad ng protesta sa Oktubre 21 ang Anakbayan United Kingdon at iba pang pambansang demokratikong organisasyon sa UK sa upisina ng Metals Exploration PLC Office sa London upang kundenahin ang pandarambong sa kalikasan ng kanilang kumpanya.