Panibagong kampanyang agresyon at destabilisasyon ng US laban sa Venezuela
Mula Setyembre, anim na sasakyang pandagat na mula diumano sa Venezuela ang pinasabog ng US sa Carribean Sea sa akusasyong naglalaman ang mga ito ng mga “narko-terorista” at nagbibyahe ng iligal na droga. Isinagawa ang mga pagpapasabog bilang bahagi ng panibagong serye ng agresyong militar sa Venezuela na walang batayang inaakusan ng presidente ng US na si Donald Trump na sumusuporta sa mga “narko-terorista.” Umabot na sa 27 ang ekstra-hudisyal na pinatay ng US sa mga pag-atakeng ito.
Kasabay ng mga pagpapasabog, pinaigting ng US ang presensyang militar ng US sa Caribbean Sea sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga warship, isang nuclear-powered na submarino, at iba pang sasakyang pandigma. Nagpapalipad rin ito ng mga helikopter, fighter jet at mga B-52 bomber sa internasyunal na himpapawid malapit sa Venezuela.
Inatasan din ni Trump ang Central Intelligence Agency na maglunsad ng mga sikretong operasyon sa loob ng Venezuela laban sa gubyerno at mamamayan nito. Alinsunod ito sa anunsyo ni Trump na isagawa ang higit pang aksyong militar laban sa Venezuela at pakanang pagpapalit-rehimen sa soberanong bansa. Nagpataw pa ng $50 milyong pabuya si Trump para sa pag-aresto ng presidente ng Venezuela na si Nicolas Maduro. Dagdag ang mga ito sa umiiral nang mga sangsyon sa ekonomya na matagal nang ipinataw ng US at alyado nito sa bansa.
Kasapakat ng imperyalismong US sa kampanyang agresyon ang mga maka-Kanang grupo sa loob ng Venezuela. Noong unang linggo ng Oktubre, isiniwalat ng gubyerno ni Maduro ang pagtatangka ng mga grupong ito na magsagawa ng isang operasyong “false flag” kung saan magtatanim at magpapasabog ito ng bomba sa embahada ng US sa Caracas, kabisera ng Venezuela, para painitin pang lalo ang tensyon.
Bagaman sarado ang embahada mula nang natigil ang diplomatikong ugnayan ng Venezuela at US noon pang 2019, mayroong mga empleyado at pwersa sa seguridad na nananatili sa gusali. Kasunod ng balitang ito, ipinatigil ni Trump ang anumang pagsisikap ng kanyang gubyerno na makipag-usap at makipagkasundo sa Venezuela.
Hindi nagpatinag ang Venezuela at gubyernong Maduro sa mga pag-atake at pagbabanta ni Trump. Ayon kay Maduro, “hinding-hindi sila makapapasok sa Venezuela” at handang ipagtanggol ng militar at mamamayang Venezuelan ang kanilang bansa at soberanya.
Pandaigdigang suporta sa Venezuela
Malawakang binatikos ng mga grupo sa buong mundo ang agresyon ng US at ni Trump sa Venezuela. Nanawagan ang International League of Peoples’ Struggle (ILPS) na labanan ang pagtatangkang palitan ang gubyerno ng Venezuela at lahat ng porma ng hybrid na pakikidigma na tumindi sa ilalim ni Trump.
Walang tigil ang agresyon ng US sa gubyerno ng Venezuela mula nang tumindig ito laban sa mga imperyalistang dikta nito. “Walang tigil ang pagtatangka ng US na pabagsakin ang demokratikong halal na gubyerno ng Venezuela, determinadong higupin ang kita mula sa langis ng bansa para payamanin ang mga monopolyo kapitalista at mga mamumuhunan,” ayon sa ILPS.
Pahayag ng grupo, ang agresyon ng US ay magtutulak lamang sa paparaming mamamayan ng daigdig na suportahan ang Venezuela at kanilang makatarungang pakikibaka para sa pambansang soberanya laban sa imperyalismong US.
Sa Pilipinas, pinangungunahan ng Philippine-Bolivarian Venezuela Friendship Association at Bagong Alyansang Makabayan ang pagsuporta sa gubyerno at mamamayan ng Venezuela. Mahigpit silang nakikipag-ugnayan kay Chargé d’Affaires Richard Espinoza Lobo ng Bolivarian Republic of Venezuela Embassy para sa iba’t ibang aktibidad at pagtitipon.
Kabilang na rito ang pakikipagpulong nila sa mga kinatawan ng Makabayan Bloc sa House of Representatives noong Oktubre 13. Nabuo rito ang planong pagsusumite ng Makabayan Bloc ng isang resolusyon sa Kongreso para batikusin ang militarismo ng US at suportahan ang pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa kapayapaan, pambansang soberanya at karapatan sa sariling pagpapasya ng lahat ng mga bayan.