14th IB, inambus ng BHB-Leyte
Sa lapit na limang metro, pinaputukan ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Leyte Island (Mt. Amandewin Command) ang pasistang tropa ng 14th IB sa bayan ng Javier, Leyte noong Oktubre 15 ng umaga. Ayon sa yunit, marami ang naitalang kaswalti sa mga berdugong sundalo.
Ang yunit ng 14th IB na nasa erya ay nagsasagawa noon ng tinatawag na combat-clearing operations sa mga burol at ilog sa pagitan ng Barangay Odiong at Barangay Caraye sa Javier. Parte ang operasyon ng malawakang operasyong kombat ng 14th IB sa mga barangay na saklaw ng mga bayan ng Javier at Abuyog.
Pataksil at duwag na ibinaling ng 14th IB ang atake nito sa sibilyang mamamayan sa Barangay Caraye, Javier. Kasunod ng opensiba ng BHB, ipinataw ng 14th IB sa komunidad ang hamlet o “lockdown” kung saan pinagbabawalan ang masa na tumungo sa kanilang sakahan.
Para pagtakpan ang kanilang pagkatalo, nagpakana ang 14th IB at 802nd IB na may nakumpiska silang riple mula sa BHB sa pag-atake. Naglabas pa sa social media ang militar ng mga pekeng larawan ng mga baril na “naiwan” umano ng BHB.