Kabataan sa komunidad, makibaka para sa pambansang demokrasya
Noong Setyembre 21, sumambulat sa paanan ng Mendiola ang nag-uumapaw na galit ng kabataan sa malawakang korapsyon at kawalan ng pananagutan ng pinakamatataas na upisyal sa bansa. Marami sa kabataang ito ay nagmula sa mga maralitang komunidad. Puno ng tapang at kapangahasan, kinumpronta nila ang mga pulis na matagal nang nang-aapi sa kapwa nila maralita. Malinaw ang kanilang pananaw na ang mga pulis ay tagapagtanggol ng mga nang-aaping naghaharing uri. Hindi sila nagpasindak. Hindi inalintana ang tirgas, bomba ng tubig, at mga batuta. Malinaw sa kanila ang kawastuhan ng paglaban.
Ayon sa datos ng estado noong Hunyo 2025, nasa 20.2 milyon ang mga kabataan o mga nasa edad 15-24 anyos, mula sa kabuuang populasyon ng bansa na 116.9 milyon. Ang 19.66 milyon sa kanila ay lugmok sa kahirapan. Nasa 7.2 milyon ang kabataang hindi nag-aaral, habang nasa 2.36 milyon ng kabataan ang hindi nag-aaral at hindi rin nagtatrabaho, 50.3% dito ay kalalakihan at 49.7% ang kababaihan.
Bunga ng matinding kahirapan, napipilitan ang mga kabataang Pilipino na maagang maghanapbuhay sa halip na mag-aral. Subalit marami sa kanila ang walang makitang disenteng hanapbuhay dahil sa krisis ng atrasadong ekonomya. Binubuo nila ang malaking bahagi ng uring mala-proletaryado. Bahagi sila ng laksa-laksang reserbang lakas paggawa sa kalunsuran. Kumikita lamang sila sa pamamasukan sa kung anu-anong di regular na trabaho. Ang ilan sa kanila ay natulak sa mga anti-sosyal na gawain dahil wala na silang ibang mababalingan.
Ang mga kabataang maralita, sampu ng kanilang mga pamilya, ay walang maayos na tirahan. Daan-daanlibong pamilya ang nakatira sa mga lugar na nilulubog sa baha tuwing malakas ang ulan. Marahas na dinedemolis ang kanilang mga komunidad o di kaya’y sinusunog ang kanilang mga kabahayan para palayasin sila at ibenta ang lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay sa malalaking kumprador at dayuhang negosyante.
Tulad ng kanilang mga magulang, biktima sila ng korapsyon, kapabayaan at pasismo ng estado. Sila ang mga naging saksi at biktima ng madugong gera kontra droga ng nakaraang rehimeng Duterte na nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Madalas silang target ng abuso at brutalidad ng mga pulis at kinakasangkapan sa kanilang iligal na aktibidad. Tulad ng malawak na sambayanan, naghahangad sila ng panlipunang pagbabago, at batid nila, bilang kabataan, ang kanilang tungkulin na baguhin ang lipunan.
Ang papel ng kabataan sa pagsusulong ng pambansang demokrasya
Mahalaga ang papel ng kabataan sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang paglaya at demokrasya. Ayon kay Jose Maria Sison, tagapagtatag ng Kabataang Makabayan (KM) at ng Partido Komunista ng Pilipinas, kailangan mag-organisa ng mga kabataan upang labanan ang mga anti-mamamayang patakaran at ipaglaban ang kapakanan nila bilang mga kabataan at bahagi ng mamamayan.
Noong dekada 1960, nanguna ang KM sa paglulunsad ng mga pambansang demokratikong pakikibaka. Militante itong namuno at nag-organisa ng mga kabataan sa mga paaralan, pagawaan, mga propesyunal at sa mga komunidad. Matapos ipataw ang batas militar, marami sa mga kasapi nito ang tumungo sa kanayunan at nagsilbing binhi ng Bagong Hukbong Bayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa paglaban sa diktadura noong dekada 1970 hanggang 1986, sumulpot ang marami pang mga grupo ng kabataan na lumaban at nagsakripisyo para wakasan ang rehimeng US-Marcos. Liban sa mga organisasyon sa mga paaralan, binuo ng mga kabataan ang mga samahan sa komunidad. Kabilang dito ang Kadena (Kabataan para sa Demokrasya at Nasyunalismo) na nakabase at binubuo ng mga kabataan sa komunidad. Itinatag ito noong 1984 sa Silang, Cavite upang buklurin ang iba’t ibang organisasyon ng kabataan sa komunidad sa balangkas ng pakikibaka para sa pambansang demokrasya.
Militanteng nag-organisa at nagpakilos ang Kadena ng daan-daang kabataan sa mga sentrong lunsod at mabilis na nakapagpalawak sa iba’t ibang panig ng bansa tulad sa Southern Tagalog at sa Visayas. Naging bahagi din sila sa pagpatalsik sa diktadurang Marcos noong 1986. Natigil ang pag-oorganisa ng Kadena bandang 1990. Sa puwang na iniwan nito, itinayo ang organisasyong Anakbayan, na nag-organisa ng mga kabataan sa komunidad at naging bahagi sa pagpapatalsik sa rehimeng Estrada noong 2001.
Pinatunayan ng mga grupong KM, Kadena at ng iba pang organisasyon na ang komunidad ang hindi natutuyong balon ng militanteng kabataan na matapang at mapangahas na nagsusulong ng adhikain para sa pambansa-demokratikong mithiin ng sambayanan.
Sa ipinakitang militansya noong Setyembre 21, tiyak na sisigla pang lalo ang pagkilos ng mga kabataan, laluna mula sa mga maralitang komunidad, na tutungo sa lansangan at sa kanayunan upang ipaglaban ang tunay na panlipunang pagbabago at paglaya na matagal nang inaasam ng malawak na sambayanan.