Panawagan ng mga magbubukid, dinala sa pambansang kabisera
NAglunsad ng isang linggong protesta ang mga organisasyon ng magsasaka kasama ang iba’t ibang sektor bilang paggunita sa buwan ng mga pesante. Para itampok ang panawagan ng mga magbubukid, itinayo nila ang isang kampuhan sa harap ng Department of Agrarian Reform Central Office sa Quezon City simula Oktubre 15 hanggang 21. Inilunsad sa kampuhan ang pagbisita, pakikiisa at talakayan kasama ang iba’t ibang sektor. Nagkaroon ng mga workshop, medical mission at pagbibigay ng materyal na suporta sa mga magbubukid.
Liban dito, isang rali ang pinangunahan ng Amihan noong Oktubre 15 para gunitain ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Magsasaka. Noong Oktubre 16, nagmartsa muli ang mga grupo sa Quezon City sa pangunguna ng mga magsasaka mula sa isla ng Negros para sa Pandaigidang Araw ng Kagutuman. Kinabukasan, nagprotesta sila sa hedkwarters ng Armed Forces of the Philippines sa Quezon City para kundenahin ang militarisasyon sa kanayunan. Isang gabi ng pagtatanghal ang inilunsad nila at ng mga grupo ng artista noong Oktubre 19 sa UP Diliman. Nagprotesta rin sila sa Department of Social Welfare and Development noong Oktubre 20 para igiit ang kumpensasyon para sa pinsalang dulot ng sakuna.
Lulundo ang protesta ng mga magsasaka sa Oktubre 21, anibersaryo ng bogus na reporma sa lupa ng Presidential Decree No. 27 ni Marcos Sr. Kikilos sila kasama ang iba pang sektor sa Liwasang Bonifacio laban sa korapsyon ng rehimeng Marcos at pangkating Duterte. Ipapanawagan nila ang pagpapaalis sa poder sa dalawang punong kurakot.