Binabagtas ng mga propesyunal ang landas ng digmang bayan

,

Sa harap ng papatinding pasismo ng rehimeng Marcos, lalong nag-aalab ang rebolusyonaryong determinasyon ng mga guro, duktor, nars, siyentista, inhinyero at iba pang propesyunal na lumahok at sumuporta sa digmang bayan. Tuluy-tuloy na nilang pinalalakas ang kani-kanilang mga rebolusyonaryong organisasyon para magsilbing balon ng suporta at bagong mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Sa inspirasyon ng kilusang pagwawasto ng Partido, muling pinalakas ang Katipunan ng mga Gurong Makabayan (Kaguma), Makabayang Samahang Pangkalusugan (MSP) at Liga ng Agham para sa Bayan (LAB). Masiglang namamahayag ang mga samahang ito sa mga maiinit na usaping pambayan. Regular o madalas nilang inilalabas ang kanilang mga rebolusyonaryong pahayagang masa: Ang Rebolusyonaryong Lunas at Dagling Lunas (MSP), Liyab (Kaguma) at Agham Bayan (LAB).

Mga makabayang guro

Noong Enero, naitatag ng Kaguma ang isang bagong balangay sa isang unibersidad. Kabilang sa nahirang bilang upisyal ng balangay ang bagong myembro nitong si Ka Amber na narekrut noong huling bahagi ng 2024. “Nangangapa pa ako sa ngayon ngunit kailanman ay hindi ko naramdaman na kulang ako kahit baguhan ako dahil sa mabuting pakikitungo at pag-alalay ng mga kasama,” ayon kay Ka Amber.

Sa harap ng maraming trabaho at mga personal na kinakaharap sa buhay, nagsisikap siya para tuluy-tuloy na gumampan sa tungkulin bilang upisyal ng balangay. Aniya, nagagawa niya ito sa pananalig at pagkapit sa mga prinsipyo at pagtugon sa katanungang “bakit” at “para kanino.”

Ayon sa Kaguma, kailangang palakasin nito ang sarili para tuwirang makalahok sa armadong pakikibaka, mag-ambag sa BHB, at tumulong sa pag-organisa sa kanayunan para sa pagpapanday ng rebolusyonaryong pagkakaisa at pakikibaka ng mamamayan.

Paglunas sa krisis ng lipunan

Sa isang larangang gerilya sa Luzon, pumasok ang isang pangkat ng MSP na binubuo ng mga duktor, propesyunal at mga estudyanteng pangkalusugan para magsagawa ng isang misyong medikal para sa masa at hukbo. “Sa pagpasok sa sona, hindi madali ang aming mga pinagdaanan at naging karanasan lalo na at kasagsagan ng malakas na pag-uulan,” pagbabahagi ng isang duktor.

Itinayo nila ang isang klinik kung saan idinaos ang konsultasyon sa mga pasyente at paganahin ang maliit na laboratoryo. Tinugunan ng MSP ang mga simple at kumplikadong mga karamdaman ng mga Pulang mandirigma, kapwa pisikal at pangkaisipan.

Sa loob ng hukbo, naranasan nila ang simpleng buhay, ang mga sakripisyo sa pagsusulong ng digmang bayan at ang mainit na pagtanggap ng masang magsasaka. “Ang mga karanasan kong ito ang mas lalong nagpatibay at nagpaalab ng aking rebolusyonaryong diwa,” kwento pa ng duktor.

Samantala, naglunsad ng asembliya noong Agosto 2 ang mga estudyanteng pangkalusugan mula sa iba’t ibang unibersidad para itatag ang isang balangay ng MSP. Malaking hakbang ito para sa pagpapayakap ng MSP sa mga estudyanteng pangkalusugan sa demokratikong rebolusyong bayan.

Mga siyentista para sa DRB

Anim na buwan ang programa para sa tour-of-duty (TOD) sa BHB ni Ka Langga, myembro ng LAB at isang dating estudyante ng kursong computer engineering sa isang pribadong unibersidad. Sa panahon na ito, tumining ang kanyang kagustuhan na magsilbi nang buong-panahon sa kanayunan. “Noong nag-TOD ako, mas napatatag ang kapasyahang magpultaym dahil nakita ko na ito nang buo at napatunayan ang kawastuhan at pangangailangan na maglingkod bilang mandirigma,” aniya.

Namalas niya mismo ang mainit na pagtanggap at pagmamahal ng masa sa hukbong bayan sa larangang kinikilusan. “Sila, na pinakapinagsasamantalahan sa lipunan, ay may puwang pang pakainin ang mga mandirigma, tumuwang para sa pagkuha ng suplay para sa pagpapanatili ng hukbo, at lumahok sa mga rebolusyonaryong gawain,” kwento niya.

Sa kalunsuran, patuloy ring pinapanday ng LAB ang mga aktibista at kadre nito bilang mga pultaym na organisador sa sektor. Paraan din ito para itaas ang kamulatan at kahandaan ng kanyang mga myembro na tahakin ang landas ng armadong pakikibaka tulad ni Ka Langga.

___
Halaw sa Liyab, Ang Rebolusyonaryong Lunas at Agham Bayan.

Binabagtas ng mga propesyunal ang landas ng digmang bayan