Koresponsal 6 na dekada ng mga nakamit ng kilusang magsasaka sa Eastern Visayas
Sa harap ng laganap at tumitindi pang pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa Eastern Visayas (EV), marapat lamang na magbalik-tanaw ang masang magsasaka sa kasaysayan ng kanilang sama-samang pakikibaka. Dapat silang humalaw ng mga aral at inspirasyon sa anim na dekada ng maniningning na tagumpay na nakamit sa sama-samang pakikibaka.
Gamit ang rebolusyonaryong gabay para sa reporma sa lupa ng Partido, kumilos ang malawak na masa ng magsasaka sa EV sa landas ng pakikibaka para ibaba ang upa sa lupa, itaas ang sahod ng mga manggagawang-bukid, pawiin ang usura at itaas ang kanilang produksyon.
Sa mga sakahan, hinarap ng mga magsasaka ang mga panginoong maylupa (PML) sa mga kumprontasyon para igiit ang kanilang karapatan. Sa mga koprasan, nakamit nila ang 60-40 na hatian sa netong kita pabor sa magsasaka mula sa dating kaayusan na 90-10. Naitulak nila ang mga PML na balikatin ang 50% ng gastos sa paghahakot ng kopras, kaya tumaas ang kita ng magsasaka.
Sa mga lugar na naabot ang mas mataas na antas ng pagkakaisa, naipanalo ng mga magsasaka ang kaayusang 50-50 kung saan binabawas na ang gastos sa paghahakot ng produkto bago ito paghatian. Tagumpay ito mula sa dating kaayusan kung saan walang ambag sa produksyon ang PML. Sa mga lugar kung saan laganap ang kaayusang tersyuhan (1/3 na hatian) na pabor sa PML, naipanalo ng mga magsasaka ang hatiang 50-50.
May mga lugar din na naigiit ang pagpapababa ng interes sa utang mula 20% kada buwan tungong 10%, at walang tubo kung makakabayad bago ang isang buwan. Naalis na rin ang kundisyong tubos sa mga isinangla na lupa at kapag naabot na ang 100-150% tubo mula sa ginamit na kapital ay awtomatikong ibabalik ang lupa sa magsasakang nagsangla. Naitulak rin na patuloy na makapagsaka sa isinanglang lupa ang magsasaka para matiyak na may mapagkukunan siyang pambayad at para sa arawang gastos.
Sa ilang erya, naipatupad ang kumpiskasyon ng lupa mula sa mga despotiko at kontra-rebolusyunaryong panginoong maylupa bilang anyo ng hustisya sa pagsasamantala at kabayaran sa utang na dugo sa masa. Mayroon namang mga kaso na inokupa ng mga magsasaka ang mga tiwangwang na lupa ng PML, habang mayroong mga naliwanagang PML na boluntaryong nagpapahiram o nagbibigay ng kanilang lupa at iba pang kagamitan sa produksyon.
“Kung wala ang kilusan, setler sa sariling bayan ang mga magsasaka,” pahayag ng isang magsasaka. Hanggang ngayon, tinatamasa pa rin nila ang malaking tulong at pakinabang ng mga lupang ito.
Tuluy-tuloy din ang kampanya para itaas ang kakayahan sa produksyon ng mga magsasaka. Ipinalaganap ang kampanyang “tiklos-aglayon” kung saan kolektibong nagtutulungan ang mga magsasaka para sa produksyon. Napalawak nito ang mga taniman, napagaan at napabilis ang trabaho, nabawasan ang gastos, natiyak na sapat ang pagkain at higit sa lahat ay nagsanay para sa kolektibong pagkilos.
Nagkaroon din ng pamamahagi ng kalabaw bilang pangunahing gamit sa mga indibidwal at komunal na produksyon. Nagbuo rin ang mga magsasaka ng sistema para mamaksimisa sa pagbubungkal ang mga donasyong traktor at iba pang kagamitan sa produksyon mula sa mga ahensya ng estado at mga pribadong organisasyon.
Naitayo ang mga kooperatiba tulad ng mga gilingan at tindahan ng batayang pangangailangan. Mayroon ding kooperatiba para maibenta sa tamang presyo ang ani at mga produkto. Maliban sa serbisyo at murang presyo ng mga batayang bilihin, dagdag kita sa samahan ang nakukuha mula sa dibidendo. May mga kooperatiba na nagsilbing puhunan ang kita para makabili ng kagamitan sa produksyon tulad ng lupa at kalabaw.
Ilan lamang ito sa maraming tagumpay ng kilusang magsasaka sa rehiyon. Patuloy nila itong ipinagtatanggol laban sa pinaigting na presensya at tuluy-tuloy na atake ng rehimeng Marcos at ng mga yunit ng 8th ID sa kanilang komunidad. Sa harap ng terorismo ng estado, ang mga tagumpay at karanasang ito ang nagsisilbing materyal na batayan para higit pang ipagtanggol ng magsasaka ang kanilang buhay at kabuhayan, at ipaglaban ang isang lipunang tunay na demokratiko at malaya.