Palawakin ang kilusang protesta para wakasan ang rehimeng US-Marcos!
Patuloy na niyuyugyog ng pampulitikang krisis ang reaksyunaryong estadong pinatatakbo ng mga burukrata-kapitalista. Hindi humuhupa at maya’t mayang sumisilakbo ang galit ng masa sa nabubunyag na mas maraming kaso ng korapsyon. Hindi nauupos ang kilusang walkout ng mga estudyante, bagkus ay kumakalat pa sa mga unibersidad sa Maynila at iba pang bahagi ng bansa. Lumalaganap ang pagkilos ng mga grupong sibiko, taong simbahan, manggagawa, maralita at iba pang sektor.
Malalawak na alyansa ng mamamayan ang naitatatag na desididong kamtin ang katarungan para sa bayang biktima ng kriminal na korapsyon. Nagbangon na ang isang malapad at makapangyarihang kilusang bayan na yayanig sa rehimeng US-Marcos at magwawakas sa paghahari ng mga burukrata-kapitalistang pangkating nasa poder.
Nagmamalinis at umaarte si Marcos na nagugulat o galit sa mga mangungulimbat. Walang katuturan sa taumbayan ang sikretong imbestigasyon ng binuo niyang “independent commission” na klarong walang ibang pakay kundi pagtakpan ang katotohanang bilyun-bilyong pisong porsyento sa maaanomalyang kontrata ang umaakyat sa Malacañang, at na mismong si Marcos ang hari at nasa tuktok ng bundok ng basura ng korapsyon. Tatlong buwan matapos niyang ideklarang “mahiya naman kayo,” malinaw sa mata ng taumbayan na si Marcos mismo ang numero unong walang hiya at pinakagarapal sa pagbubulsa ng bilyun-bilyong pisong pondo ng bayan.
Pilit sinasakyan ng pangkating Duterte ang malawak na protesta ng taumbayan pero sasandakot lamang ang kanilang nalilinlang. Hindi nila mapagtakpan ang sariling krimen at pangungulimbat, laluna noong nakaupong presidente si Rodrigo Duterte. Muling nauungkat ang bilyun-bilyong ibinulsa ng mga Duterte sa kontrata sa Pharmally noong panahon ng pandemya, ₱51 bilyon flood control project ni Paolo Duterte at ₱125 milyong confidential and intelligence fund ni Sara Duterte. Bilyun-bilyong pisong kontrata rin ang napunta sa noo’y alalay ni Duterte na si Bong Go, at iba pang mga alyado.
Sa harap ng lumalaganap na usap-usapan para palitan ang naghaharing rehimen, ipinamalas ng imperyalismong US na matatag nitong sinusuportahan ang papet nitong si Marcos. Kamakailan, personal na binisita ng isang upisyal ng embahada ng US ang pagdinig sa ICI bilang patunay ng suporta nito.
Nanggagalaiti ang taumbayan na sa kabila ng matinding galit sa korapsyon, harap-harapang inulit ni Marcos at mga kasapakat niya sa kongreso ang pagsisingit ng samutsaring pork barrel sa badyet sa 2026. Pilit ipinasok ang ₱281 bilyong pork barrel ni Marcos sa anyo ng unprogrammed appropriations, confidential and intelligence funds at iba pa. Nasa ₱414 bilyon naman ang pork barrel na paghahati-hatian ng tiwaling mga kongresista at senador.
Patuloy na nabubunyag kung papaanong lahat ng programa ng gubyerno ay batbat ng korapsyon. Liban sa mga proyektong flood control, bilyun-bilyong piso din ang kinukulimbat sa mga farm-to-market road, multipurpose building, health center, tulay, daan, gayundin sa pampublikong pondo para sa ayuda, sweldo, pensyon at seguro.
Alam na alam ng mamamayan kung sinu-sino at nasaan ang mga proyektong ito na kinurakot ng mga korap na upisyal ng gubyerno at militar at mga kasabwat nilang malalaking negosyante. Sa pagtutulungan ng iba’t ibang sektor ang mga ito’y marapat na ungkatin, isadokumento, isiwalat at isampal sa mga kriminal na burukrata-kapitalista.
Hindi dapat lubayan ng mga Pilipino ang paniningil at pagpapanagot sa mga burukrata sa kanilang mga pagkilos at protesta. Kaakbay ang mga kabataan, dapat ibayong palakasin ng masang maralitang anakpawis at mga manggagawa ang kanilang tinig laban sa korapsyon, burukratang kapitalismo at pasismo, at para paalingawngawin ang sigaw para sa pagwawakas sa pahirap na rehimeng US-Marcos at paghahari-harian ng pangkatin Duterte.
Pinakalalaganap pa ito sa mga maralitang komunidad at pabrika, kung nasaan pinakamarami at pinakagalit ang masang anakpawis na biktima ng korapsyon at sabwatan ng mga burukrata-kapitalista at malalaking negosyante. Liban sa usapin ng pagbaha sa mga komunidad na bunga ng korapsyon at palpak na gubyerno, dapat patampukin ang usapin ng mababang sahod, malawakang disempleyo ng kabataan, mataas na presyo ng mga bilihin, mataas na gastos sa edukasyon, walang awat na pagtaas ng presyo ng gasolina, bulok na serbisyong panlipunan at iba pa na bunga ng sabwatan ng mga korap na burukrata-kapitalista at hayok sa tubo na malalaking burgesya.
Palawakin pa ang kilusang protesta laban sa korapsyon sa pinakamaraming prubinsya, sa mga bayan at lunsod. Milyun-milyon ang biktima ng palpak at di magamit na mga imprastrukturang pinagwaldasan ng pera ng taumbayan. Tipunin ang kanilang galit sa mga trahedyang dinaranas nila sa tuwing may sakuna ng bagyo, lindol o kahit simpleng pag-ulan. Panagutin ang mga burukrata-kapitalista sa krimen nilang sanhi ng paglubog sa baha ng buo-buong komunidad at mga sakahan, pagbagsak ng mga tulay, pagkawasak ng mga kalsada, pagguho ng mga gusali at tirahan at iba pa. Mahigpit ang ugnay sa burukratang kapitalismo ng pagkalugi ng mga magsasaka, mababang sahod ng mga manggagawa, pagbagsak ng kita ng mga drayber, pagsadsad ng kabuhayan ng mga maralita, pagkawala ng tirahan, pagkalubog sa utang, dislokasyon at pagpapalayas sa lupa, at maraming mukha pa ng karalitaan.
Dapat isanib ng mga estudyanteng kabataan at iba pang sektor na tumitindig laban sa korapsyon ang kanilang hanay sa lakas ng masang anakpawis sa kalunsuran at kanayunan. Kung may labis mang kinatatakutan si Marcos na yayanig sa kanyang paghahari, iyan ay ang sabayang pag-walkout sa mga paaralan, aklasan ng mga manggagawa, martsa ng mga magsasaka, welga ng mga kawani ng gubyerno, guro at akademiko, tigil-pasada sa pampublikong transportasyon at iba pang anyo ng sama-samang pagkilos ng sambayanan.
Matatag na sumusulong ang dumadaluyong na kilusang protesta ng bayan laban sa korapsyon at burukratang kapitalismo dahil sa pangunguna ng mga pambansa-demokratikong organisasyon at alyansa. Sila ang pinakadeterminado at pinakapuspusan sa pag-abot at pagpukaw sa masa. Sila ang pinakanagpupunyagi na buuin ang pinakamalapad na pagkakaisa ng bayan laban sa rehimeng US-Marcos.
Habang pinadadaluyong ang kilusang protesta, dapat isabay ng mga pambansa-demokratikong pwersa ang masiglang kilusang pag-aaral sa lipunan at rebolusyong Pilipino sa hanay ng masa. Dapat walang sawang ipaliwanag na ang korapsyon at katiwalian ay likas sa malakolonyal at malapyudal na sistema, at na mawawakasan lamang sa pagbabagsak sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo.
Ang hangad ng taumbayan na pagbabago ng sistema ay makakamit lamang sa pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng armadong pakikibaka. Kaya dapat itatag ang pinakamaraming balangay ng mga organisasyon ng National Democratic Front sa kanilang hanay at puspusang suportahan at palakasin ang Bagong Hukbong Bayan. Dapat palalimin at palawakin ang pag-ugat ng Partido sa hanay ng masa upang magsilbing gulugod at taliba ng kanilang matagalang pakikibaka.